top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ceres Negros, tabla sa 2-2 ang laban vs. Vietnam

  • A. Servinio
  • Feb 27, 2020
  • 2 min read

Photo: Ceres Negros FC

Isinalba ng goal ni Nguyen Hai Huy sa ika-69 minuto ang tabla ng bisitang Than Quang Ninh ng Vietnam kontra sa Ceres Negros ng Pilipinas sa pagpapatuloy ng 2020 AFC Cup sa Rizal Memorial Stadium Martes ng gabi. Nagtapos ang mainitang laban pantay sa 2-2 subalit, sapat ito para makamit ng Busmen ang solong liderato ng Grupo G matapos talunin ng PKR Svay Rieng ng Cambodia ang Bali United ng Indonesia sa kabilang laro, 2-1.

Pinagbayaran ng malaki ng Ceres ang kanilang saglit na kapabayaan. Mula sa isang free kick, napunta kay Hai Huy ang bola malapit sa goal at walang paraan na mapigil ito ni goalkeeper Roland Muller at kumapit ng todo ang depensa ng TQN sa nalalabing oras. Nakaunang goal ang mga bisita, salamat kay forward Jeremie Lynch sa ika-26 minuto. Sumugod si Muller patungo kay Lynch at iniwanang walang tao sa goal kaya walang hirap na pinasok ni Lynch ang bola.

Bumawi ang Ceres bago magtapos ang unang half matapos ipasok ni Bienvenido Maranon ang penalty kick upang pantayin ang talaan, 1-1. Isang mas ganado at agresibong Ceres ang lumabas para sa second half at nagbunga ito ng isa pang goal para kay OJ Porter sa ika-62 minuto para maagaw ang kalamangan subalit tumagal lang ang pagdiwang ng 7 minuto.

“This was not our best game today,” wika ni kapitan Stephan Schrock na tatanghaling bilang Mr. Football ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa kanilang gabi ng parangal sa Marso 6. “We still have a lot to improve.”

Ang tabla kasama ang 4-0 na pagdurog ng Ceres sa Svay Rieng noong Pebrero 11 ay nag-angat sa apat ang puntos ng Busmen. Parehong may tatlong puntos ang Bali at Svay Rieng habang isa pa lang ang puntos ng TQN. Babalik ang Ceres sa aksyon sa Marso 11 kontra Bali, ang kanilang ikatlong sunod sa Rizal Memorial.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page