top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kasaysayan ng Edsa, pilit binabogo sa pananaw ng kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 26, 2020
  • 2 min read

Mapayapa at maayos na nairaos ang ika-34 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kahapon.

Isang simpleng flag raising ceremony lamang ang isinagawa sa EDSA People Power Monument na dinaluhan ng iba’t ibang sektor at mga tauhan ng ilang ahensiya ng gobyerno.

Hindi na umano ginawang enggrande ang pagdiriwang dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ganundin ang kagustuhang makisimpatiya sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero. Marami pa rin ang malungkot, lalo na silang mga nawalan ng bahay at kabuhayan.

Sa kabila nito, masasabi nating buhay pa rin naman ang diwa ng EDSA, kahit ilang dekada na ang lumipas o kahit hindi na tulad ng dati ang ginagawang paggunita.

Gayunman, kailangan pa rin natin itong ipaunawa lalo na sa kabataan. Hindi sapat na nababasa lang nila sa libro o sa internet ang mga naging kaganapan nu’ng EDSA.

Hindi maitatanggi na maraming banta para baguhin ang mga pangyayari noon o maaaring mayroon nang gumawa, at ito ang dapat nating pigilan, ang umabot sa bagong henerasyon ang pekeng ‘kasaysayan’.

Sa atin namang kabataan, bilang mamamayan, obligasyon nating balikan ang kahapon at kilalanin ang mga naging bahagi ng People Power Revolution, saka itanong sa ating sarili, kung ‘yun ang EDSA nila noon, ano ang EDSA para sa amin ngayon?

Kung sila noon ay laman ng lansangan, bitbit ay mga placards at sumisigaw ng kalayaan at pagbabago, ang kabataan ngayon ay halos ‘di na lumalabas ng kuwarto at ang palaging bitbit ay telepono.

Gayunman, magkaiba man ang panahon, tiyak na may paraan para ang ipinamanang kalayaan ay mapanatili at mapagyaman. Tulad ng ibang kabataan ngayon na palaging laman ng social media at aktibong nakikilahok sa mga isyu ng lipunan. Meron pa ring mga kabataan na nakikibahagi sa mga rally at may prinsipyo nang ipinaglalaban.

Nariyan pa rin ang EDSA, kailangan lang nating ipasa sa ating mga anak at gabayan sila sa kung paano pa ito mapag-aalab.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page