Pinay Karatekas, Lim at Orbon, gold sa Ukraine
- Gerard Arce
- Feb 25, 2020
- 1 min read

Dalawang gintong medalya ang sinuntok nina national Karatekas Jamie Christine Lim at Joane Orbon sa nakalipas na Kharviv Open Karate 2020 Ukranian Karate Premier League sa Velyka Panasivska, Kharviv, Ukraine.
Nagpamalas ng angking galing at husay ang University of the Philippines Summa Cum Laude graduate na si Lim nang dominahin nito ang women’s under-68kgs category, habang hindi nagpadaig si Orbon sa women’s under-61kgs division.
Parehong naghahabol sina 30th Southeast Asian Games champion na si Lim at Orbon na makakuha ng mga kakailanganing puntos upang makapasok sa 2020 Summer Olympics na nakatakdang ganapin simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Naghahangad ang pambansang koponan ng Karate na makakuha ng silya sa quadrennial meet sa pamumuno ni SEAG gold medal winner Junaa Tsukii na patuloy na lumalaban sa women’s under-55kgs.
Mayroon nang nalikom na kabuuang 3697.5 puntos sa Olympic ranking sa women’s under-55kgs female kumite ang Filipino-Japanese na si Tsukii na kasalukuyang nasa ika-14th place sa Olympic ranking. Nasa pang-anim na posisyon din siya sa mga Asian counterparts sa naturang ranking sa pamumuno ni Tzu-Yun Wen ng Chinese Taipei, kasunod sina Sara Bahmanyar ng Islamic Republic of Iran, Miho Miyahara ng Japan, Taravat Khaksar ng Iran, at Ran Ran Li ng China. Nasa malayong posisyon ang under-68kgs class champion at anak ng legendary basketball player Samboy “The Skywalker” Lim, na nasa 260th place para sa women’s over 61kgs division na may 45 puntos lamang.
Kasalukuyang nasa ika-76th place ang biennial meet bronze medalists na si Orbon na may 315 total points at si Filipina karateka Miyuki Tacay sa 82nd spot na may 270 points sa women’s under-61kgs category.





Comments