Babaeng tumulong sa mga biktima ng COVID-19, sign na ituloy ang charity work
- Socrates Magnus
- Feb 25, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Rose Ann na ipinadala sa Facebook Messenger. Dear Professor, Nagkuwentuhan kami ng mga kaibigan ko tungkol sa coronavirus. Kung anu-ano ang napagkuwentuhan namin, tapos nang matulog na ako sa gabi, napanaginipan ko ‘yung virus na nandito raw sa amin sa Dasmariñas.
Nagkasakit ‘yung mga tao, tapos nag-volunteer ako at nagsuot ako ng suit para hindi ako mahawa sa virus.
Alam mo, mahilig talaga akong mag-volunteer. Nu’ng insidente sa Taal Volcano, nag-volunteer din ako kasama ko ang mga kaibigan ko at pumunta kami sa Batangas para tumulong sa mga bakwit.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay, Rose Ann
Sa iyo Rose Ann, Ganito ang sabi, there is a hero within a man or woman. Ito ang sabi ng iyong panaginip na sa mga panahon ng pangangailangan, ang iyong pagiging bayani ay lilitaw.
Tulad ng nasabi na, ang lahat ng tao ay puwedeng maging bayani. Mabilis mong nailalabas ang iyong pagkabayani, kaya lang, sa iba, matagal o mahirap makita ng iba pa at meron ding patay na, pero hindi naging hero sa tanang buhay niya.
Narito ang ilang payo para sa iyo:
1. Kung puwede, mag-save ka ng kahit magkano kapag nagkapera ka dahil tulad ng nasabi na, kusang lumalabas ang pagiging bayani mo at kung may ipon ka na, magagamit mo ito sa ganitong banal na misyon mo sa lupa.
2. Puwede mo ring itago ang mga damit na hindi mo na paborito nang sa gayun, kapag may mga binaha o nabiktima ng malakas na bagyo ay may madadala ka kapag ikaw mismo ang pumunta sa biktima.
3. May isa pang mahalaga at ito ay ang paramihin mo ang mga kaibigan mo nang sa gayun, sa sandaling may mga sakuna, puwede ka nilang tulungan sa pagbo-volunteer. Puwede silang sumama sa iyo para masaya kayo. Magtayo o bumuo ka ng grupo ng mga taong likas na matulungin dahil sila ay tulad mo na maaasahan sa mga araw ng sakuna.
4. Minsan, hindi naman mahalaga ang materyal na mga bagay sa mga nabiktima dahil sa panahon ngayon, mukha namang maayos ang mga ahensiya ng gobyerno na mabilis na nakatutugon sa pangangailangan ng mga biktima.
5. Ang mahalaga ay ang pagpunta sa mga biktima kung saan sila ay kukuwentuhan ng masasayang kuwento. Puwede ka ring mag-ayos ng mga programa na palaro, singing o dance contest kung saan ang kasali ay ang mga biktima. Walang tulad ang pagpapasaya sa tao na dumaranas ng hirap, lalo ng emosyunal na paghihirap.
Madadali lang naman ang mga nasa itaas at tiyak na kayang-kaya mong isagawa. Ito ay kailangan mo dahil ang pagiging likas mong bayani ay para sa pagtulong sa mga tao.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments