Media sa Review Committee idaragdag sa PSHOF nominees
- Gerard Arce
- Feb 25, 2020
- 1 min read

Matapos bumuo ang Philippine Sports Commission (PSC) ng isang Screening Committee para sa masusing pagpili ng mga nominadong ilalagay para sa Philippine Sports Hall of Fame (PSHOF) batch of 2020, nakatakdang maglagay pa ng isang Review Committee ang ahensya para mas lalo pang makilala nang husto ang mga bubuo sa naturang parangal.
Magsasagawa ng review committee ang ahensiya ng pampalakasan na unang ipinatupad ni dating PSC chairman Harry Angping noong 2010.
Bubuuin umano ang naturang kumite ng mga piling personalidad mula sa mga dalubhasang mamamahayag upang tumulong sa pagsusuri ng nominasyon na inaasahang isasama sa ikaapat na edisyon na nakatakda sa Nobyembre.
Pito ang magiging kinatawan ng naturang grupo na pinag-aaralan ding mabuti. “It is for this reason that the PSC, for the longest time, has been seeking the help of our partners from the sports media in the evaluation process of the Hall of Fame.
We recognize their knowledge of the history of our country’s sports legends,” saad ni PSC chairman William “Butch” Ramirez.
Nakasaad sa HOF o Republic Act No. 8757, na ang mga nagningning na mga Filipinong atleta, coaches, at trainors na nagdala ng karangalan at kapurihan sa bansa mula sa kanilang tungkulin at nagpakita ng katulad-tulad na karakter ay nararapat na parangalan.





Comments