Paghahanap ng bagong Lady Gilas players, patuloy

Patuloy pa rin ang pagpapalakas ni Coach Patrick Aquino ng kanyang mga koponan.
Kasalukuyang nasa Estados Unidos ang beteranong coach upang sumuri ng mga bagong manlalaro para sa Lady Gilas at National University.
Ilan sa mga kandidata ay sina Danielle Pray and Nadia Regala, dalawang matinik na guwardiya na may tira sa labas.
Si Pray ay galing Reinhardt Uni
versity at kasalukuyang naglalaro sa liga sa Maryland.
Si Regala ay 14-anyos pa lamang subalit namana ang laro ng ama na dating MBA player na si Eulo Regala.
Ang nakatatandang Regala ay naglaro sa Negros Slashers, Surigao Miners at Cagayan de Oro Nuggets mula 1998 hanggang 2000.
Si Coach Aquino ay tinutulungan sa kanyang lakbay ni Ricky Magallanes, ang nagtatag ng Edge Basketball, isang training camp sa Virginia.
Si Coach Magallanes ay dating reserba ng San Miguel Beer sa PBA at naging coach sa mga paaralan at Spring Cooking Oil sa Pilipinas bago nakuha bilang coach sa Vietnam na naging tulay para makarating siya sa Amerika noong 2008.
“May mga Fil-Am ang nagtatanong sa akin kung puwede sila maglaro para sa Pilipinas kasi nabalitaan nila ‘yung panalo sa Southeast Asian Games,” wika ni Coach Magallanes na tubong Bacolod City.
“Bilang isang coach, malaking karangalan na matulungan ko sila na marating ang kanilang pangarap sa basketball.”
Kilala si Coach Magallanes sa komunidad dahil sa kanyang trabaho sa Filipino American Basketball Association (FABA) lalo na sa larangan ng paghubog sa mga kabataang manlalaro.
Nakuha rin siya bilang coach sa high school at mga kampo bago itinatag ang sariling kampo.
Ang NU Lady Bulldogs ay aasintahin ang kanilang ika-pitong sunod na kampeonato sa 83rd UAAP sa darating na Setyembre.
Hindi pa nakakatikim ng talo ang koponan simula ng 2014 at nasa 96 sunud-sunod na panalo ang kanilang naitala sa gabay ni Coach Aquino.





Comments