top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Droga, nagpahinga lang, buhay na naman!

Editoryal
Feb 22, 2020
1 min read

Talamak na naman ang ilegal na droga.

Milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga ang halos araw-araw na nasasabat. Iba’t ibang istayl ng pagpupuslit at iba’t ibang indibidwal at grupo ang sangkot.

Mula sa pamilyang tulak, magbabarkadang adik, empleyado ng gobyerno at pribado at pati ang mga bilanggo, nakakaiskor pa rin.

Ang matindi, mismong mga alagad ng batas na inaasahan nating hahabol sa mga pasaway na ito ay mga gumagamit din.

Tulad dito sa Metro Manila, pitong pulis ang nagpositibo sa ilegal na droga matapos isalang ang mga miyembro ng kapulisan sa random drug testing.

Kabilang sa mga nagpositibo ay isang sarhento at isang police lieutenant habang nasa 300 pa ang iniimbestigahan dahil umano sa pagkakadawit sa ilegal na droga. ‘Ika nga, mga pulis na adik, huwag tularan!

Kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit patuloy ang paglala ng problema sa illegal drugs. Habang may ibang mga pulis na buwis-buhay at tapat sa kanilang serbisyo, meron pa ring marurupok na puwedeng makapanghawa ng iba.

Sana, sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiya at problema sa bansa ay hindi mapabayaan ang sinimulang giyera sa ilegal na droga. Palibhasa, alam nitong mga drug lord na napakaraming nangyayari ngayon sa bansa kaya sinasamantala — bumabaha na naman ng shabu hanggang sa social media.

Kaya panawagan natin sa gobyerno at sa atin ding publiko, huwag kalimutan na nariyan pa rin ang salot sa lipunan, ang illegal drugs, minsan, nananahimik, pero ngayon, namamayagpag na naman dahil alam nilang nakatuon tayo sa COVID-19, prangkisa ng isang TV network, ‘Pastillas Scheme’ sa BI at ibang isyu sa bansa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page