top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

3 beses naturukan ng Dengvaxia... 12-anyos, paulit-ulit nilagnat, nagsuka ng malapot na kulay berde,

  • Daing Mula sa Hukay
  • Feb 21, 2020
  • 7 min read

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

May mga kuwento sa buhay ng tao na nailalathala at naitatanghal sa entablado at sinehan. Si Elijah Rain de Guzman, isang kabataan na may talino at kasanayan sa journalism at teatro ay maaari sanang makagawa ng mga kikilalaning katha o maaaring maging tampok sa mga obra-maestra sa panulat at tanghalan. Sa kasamaang-palad, siya ay inagawan ng pagkakataon at panahon na personal sana niyang maisulat ang kanyang sariling kasaysayan at magampanan mismo ang sarili niyang kuwento.

Ang mga kuwento kay Elijah Rain tungkol sa kanyang kalakasan at kalusugan ng katawan, pagiging honor student mula Nursery hanggang Grade 7 at tulad ng nabanggit na, ang kanyang kaalaman at interes sa journalism at teatro ay napalitan ng mga salaysay tungkol sa kanyang nakabibiglang pagkakasakit nang malubha at pagpanaw nang wala sa panahon. Buong panlulumo na nagbalik-tanaw ang kanyang mga magulang na sina G. Jonathan at Gng. Fatima E. de Guzman hinggil sa iba pang skills at talents bukod sa journalism at teatro ng kanilang anak na kasabay na nabaon sa lupa ng walang buhay nitong katawan. Anila:

“Ang aming anak na si Elijah Rain ay aktibo, masayahin, masigla at malusog na bata. Sa katunayan, siya ay atleta at naglalaro ng basketball. Siya ay kailanman hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital bukod lamang noong siya ay 3-anyos dahil sa hika at nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw. Ganu’n kaaktibo ang aming anak at naglaho ang lahat ng ito dahil maaga siyang kinuha sa amin.”

Si Elijah Rain de Guzman ay dating estudyante sa isang paaralan sa Taytay, 12-anyos nang namatay noong Setyembre 17, 2018. Siya ang ika-87 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang serbisyo ng team para sa mga namatay na biktima. Tinutugunan din namin ang hiling nilang libreng serbisyo-legal ng PAO sa pangunguna ng inyong lingkod. Si Elijah Rain ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 29, 2016, pangalawa noong Oktubre 21, 2016 at pangatlo noong Setyembre 11, 2017 sa kanilang paaralan sa Taytay.

Matapos ang nasabing ikatlong turok ng Dengvaxia kay Elijah Rain, biglang nagbago ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Noong Nobyembre 9, 2017, nagkaroon ng lagnat si Elijah Rain at siya ay nahilo. Nawalan din siya ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pangangayayat sa pagdaan ng mga araw. Noong Disyembre, 2017, nagsimulang namutla, sumakit ang ulo, nagsuka at nilagnat siya. Noong mga buwan ng Disyembre, 2017, Enero at Pebrero, 2018 ay naging pabalik-balik ang kanyang lagnat, pagsusuka at pananakit ng tiyan.

Noong Pebrero 19, 2018, nagkaroon siya ng mataas na lagnat at pananakit ng ulo. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa doktor at pinauwi rin sila. Noong Pebrero 26, 2018 ay muling nagkalagnat si Elijah Rain. Siya ay nagsuka at nagreklamo rin ng pananakit ng tiyan. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa ospital.

Kinuhanan siya ng peripheral blood smear at base sa naging resulta na nakuha ng kanyang mga magulang noong Marso 2, 2018, may blast cells diumano si Elijah Rain. Mula Pebrero 26 hanggang Marso 2, 2018 ay patuloy ang pangangayayat ni Elijah Rain at siya rin ay namumutla.

Mula Marso 7 hanggang Setyembre 17, 2018, lumala ang kalagayan ni Elijah Rain at ito ay humantong sa kanyang pagpanaw. Sa iba’t ibang petsa ng nasabing panahon, narito ang ilan sa matitinding naramdaman ni Elijah Rain sa kanyang murang katawan bago siya namatay:

1. Marso 7, 2018 – dinala sa ospital si Elijah Rain at muling isinailalim sa peripheral blood smear test, ganundin sa chest x-ray. Base sa resulta, positibo sa blast cells si Elijah Rain. Ayon sa doktor, may rheumatic heart disease siya at ni-rule out ang leukemia bilang sakit niya. Siya ay binigyan ng gamot para sa puso.

2. Marso 10, 2018 – kumuha ang kanyang mga magulang ng third opinion hinggil sa nararamdaman ni Elijah Rain. Pumunta sila sa isang ospital at sa pangatlong pagkakataon ay isinailalim si Elijah Rain sa peripheral blood smear test. Walang nagbago sa kanyang kalagayan at patuloy pa rin ang pagkakaroon niya ng lagnat at pagkahilo.

3. Marso 17, 2018 – isinailalim sa bone marrow aspiration si Elijah Rain at base sa resulta, may acute leukemia siya. Ayon sa doktor, mababa ang tsansang mabuhay siya sapagkat 20% lamang diumano ang nabubuhay sa mga batang nagkakaroon ng ganitong uri ng sakit. Na-confine si Elijah Rain sa ospital at nagdesisyon ang mga magulang niya na iuwi na siya sa kanilang bahay noong Marso 23, 2018.

4. Mayo 7, 2018 – muling dinala si Elijah Rain ng kanyang mga magulang sa ospital. Isinailalim siya sa laboratory examination at lumabas na mababa ang kanyang CBC at hemoglobin. Ini-refer ang mga magulang ni Elijah Rain sa ibang ospital upang doon siya patingnan sa isang hema-oncologist. Nakita na positibo siya sa blast cells, mataas ang kanyang white blood cells at siya ay sinalinan ng dugo. Namalagi sila sa nasabing ospital hanggang Mayo 17, 2018.

5. Mayo 22, 2018 – tinubuan ng bukol sa kaliwang panga si Elijah Rain. Ayon sa pagsusuri, siya ay may cervical abscess. Siya ay inoperahan upang tanggalin ang bukol, gayundin, sinalinan ulit ng dugo. Na-admit siya roon hanggang Mayo 31, 2018 at pagkatapos niyang ma-admit ay ibinabalik siya ng kanyang mga magulang sa ospital kada linggo upang masalinan ng dugo depende sa resulta ng CBC niya.

6. Hulyo 1, 2018 – muling nagkaroon ng mataas na lagnat si Elijah Rain. Nagreklamo siya ng pananakit ng ulo, tiyan at pananakit ng kanyang tonsils at hindi siya makalunok ng pagkain at siya rin ay nanginginig. Hindi siya nakakakain hanggang Hulyo 8, 2018. Sinalinan din siya ng dugo habang siya ay naka-confine at siya ay na-admit hanggang Hulyo 17, 2018.

7. Agosto 12, 2018 – muli siyang nagkalagnat. Namaga at nagdugo ang kanyang mga gilagid kaya siya dinala sa isang ospital kung saan meron diumanong Dengvaxia fast lane, subalit, hindi sila nalibre sa ospital dahil ayon dito ay hindi konektado sa Dengvaxia ang sakit ni Elijah Rain. Noong gabi nang araw na ‘yun ay inilipat siya ng ospital at in-admit.

Masakit ang kanyang ulo, tiyan at lalamunan. Sinalinan siya ng dugo at binigyan din ng anti-depressant dahil ayon sa doktor, siya ay nadi-depress. Noong araw na ‘yun hanggang Agosto 15 ay hindi na naman makalunok si Elijah Rain.

8. Agosto 12 hanggang 24, 2018 – lumaki ang tiyan niya.

9. Agosto 31, 2018 hanggang Setyembre 7, 2018 – na-confine siya sa ospital at habang siya ay naroon, namanas ang buo niyang katawan. Inilabas siya ng ospital noong Setyembre 7, 2018.

10. Setyembre 17, 2018 – muling nagkaroon ng mataas na lagnat si Elijah Rain. Siya ay nagtatae ng maitim at tatlong beses siyang nagsuka ng dark green na malapot. Pagkatapos niyang magsuka ay pinaupo siya sa sofa at napansin ng kanyang mga magulang ang paisa-isa niyang paghinga hanggang sa siya ay huminga nang malalim at bumula ang kanyang bibig.

Dinala siya sa ospital at sinubukan nilang i-revive si Elijah, subalit, tuluyan na siyang pumanaw. Nag-umpisang lumobo ang kanyang walang buhay na katawan.

Napakasakit para sa mga magulang ni Elijah Rain ang pagpanaw niya, lalo na at ayon sa kanila ay wala sa medical history nila ang sakit na leukemia. (Maaalalang may acute leukemia diumano si Elijah Rain base sa resulta ng bone marrow aspiration na isinagawa sa kanya noong Marso 17, 2018.) Ayon pa sa kanila:

Isang masigla at malusog na bata ang aming anak, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa aming anak ay makapagbibigay ng proteksiyon sa kanya sakaling siya ay makagat ng lamok na may dalang dengue. Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak na si Elijah Rain.”

Sa kaso ni Elijah Rain, naulit na naman ang paulit-ulit na reklamo ng mga magulang ng mga biktima ng nasabing bakuna na hindi ipinaliwanag sa kanila kung ano ang maaaring maging epekto ng Dengvaxia sa kalusugan ng kanilang mga anak, kaya naman sila ay napagkaitan ng oportunidad na malaman ito.

Dahil sa matinding kapabayaang ito, tulad din ng mga magulang ng naturang mga biktima, lumapit sa PAO at sa inyong lingkod sina G. at Gng. De Guzman upang managot sa batas ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Elijah Rain. Bukod dito ay hiningi rin nila ang tulong ng PAO Forensic Team upang maisagawa ang pagsusuri sa mga labi ni Elijah Rain upang masagot ang tila palaisipan na naiwan ng pagkamatay niya, kaya namin tinugunan ang mga nabanggit na kahilingan.

Sa kaso ring ito, muli naming nalaman sa mga pahayag nina G. at Gng. De Guzman, na nakumpirma sa pamamagitan ng naturang forensic examination na isinagawa sa mga labi ni Elijah Rain ang torture na sinasapit ng mga murang katawan ng mga biktima, na may matindi ring epekto sa kanilang mental well-being.

Ang trahedyang ito ay tila may latay pa hanggang ngayon sa kaluluwa ni Elijah Rain dahil sa kanyang mga pagpaparamdam. Dahil sa mga karamdamang dumapo sa bata, ang mga parte ng kanyang katawan ay tila naging mabuway na domino tiles — sa pagkakahanay ng mga ito, kapag nasagi ang isa ay tuluy-tuloy nang matutumba ang lahat ng nakahilera. Nakapangingilabot, para sa akin, ang pagsasalarawang ito lalo pa at hindi larong domino ang katawan ng tao, ito ay isang sagradong templo.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page