GMRC, ibalik; guidance counselor, dagdagan vs. mga pasaway na estudyante
- BULGAR

- Feb 19, 2020
- 2 min read
Iba na ang kabataan ngayon.
Ang dating madaling kausap, mahirap nang intindihin. Kung gaano kahirap pangaralan, ganu’n naman kadaling maimpluwensiyahan.
Bagama’t, hindi natin nilalahat, pero meron talagang mga pasaway at nakalimutan na ang kagandahang-asal.
Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ang pagbabalik ng asignaturang Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa elementarya at hayskul — sa pribado o pampublikong eskuwelahan man.
Sa ngayon, aprubado na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang nasabing panukala. Sa ilalim ng Comprehensive Values Education Act, ang mga estudyante sa primary level ay obligadong dumalo sa 30-minutong klase kada araw para sa GMRC. Habang ang mga junior at senior high school naman ay may isang oras na klase sa values education dalawang beses kada linggo.
Matatandaang, inalis ang GMRC bilang bahagi ng subject ng mga mag-aaral nang ipatupad ang K to 12 curriculum noong 2013 kung saan isinama na ang values education sa iba pang asignatura tulad ng Edukasyon sa Pagpapakatao at Araling Panlipunan.
Kaugnay nito, sana, bigyan din ng pansin ang kakulangan sa mga guidance counselor. Sila ang pinakatamang tao para magbigay-gabay sa mga estudyante. Ang guidance counselor ang bumubuo ng guidance program na ipalalaganap sa buong paaralan kung saan magpapatupad sila ng iba’t ibang guidance services. Ito ang solusyon sa iba’t ibang suliranin ng mag-aaral mula sa absenteeism, cutting classes, ilegal na gawain, mental at emosyunal na kalusugan.
Sa ngayon, wala pa sa 1,000 ang bilang ng rehistradong guidance counselor, samantalang, nangangailangan tayo ng mahigit 40,000 para sa buong bansa.
Bagama’t, naniniwala tayong ang kagandahang-asal ay nagsisimula sa bahay, hindi naman lahat ng bahay ay maituturing na tahanan. Hindi lahat ay may mapagmahal at responsableng mga magulang kaya may mga anak na sa ibang lugar at ibang tao hinahanap ang masasabing pamilya.
At ang eskuwelahan, bilang isa sa maituturing na pangalawang tahanan ay may pagkakataon na matulungan at magabayan ang kabataang nalilihis ng landas. Ang kalahati o isang oras na pagkilala at pakikinig sa kanila ay napakalaking tulong na.





Comments