3x3 World Tour Manila tuloy, kahit may COVID-19

Kahit may banta ng Corona Virus Disease (COVID-19), tuloy na tuloy pa rin ang FIBA 3x3 World Tour Manila Masters ngayong Mayo 2 at 3 sa SM Megamall. Ito ay ayon kay FIBA 3x3 Event Manager Ignacio Soriano na dumating sa bansa noong Lunes para ma-plantsa ang mga detalye ng malaking pandaigdigang palaro.
Kasama dito ang pagsuri ng gagamiting palaruan na pumasa agad sa mga patakaran ng FIBA. ”We are looking for a lot of pedestrian traffic because we want to bring the sport to the crowds,” wika ni Soriano.
Sa ngayon, ang defending World Tour champion Novi Sad ng Serbia at Sakiai Gulbele ng Lithuania ang mga siguradong lalaro rito sa bisa ng kanilang magandang ipinakita noong 2019. Bilang punong abala, maaring maglahok ang Pilipinas ng isang koponan galing sa parating na 2020 Pilipinas 3x3 President’s Cup na magsisimula ngayong Marso o unang linggo ng Abril.
Inamin din ni Soriano na ang pagkakaroon ng Coronavirus Disease ay hindi inaasahang bagay. Dahil dito, napipinto na ilipat mula sa Tsina ang ilang mga parating na palaro ng FIBA 3x3 na nakatakda roon. Pangunahin na ang 2020 FIBA 3x3 Asia Cup sa Changsha sa Mayo 13 hanggang 17. Kung bibigyan ng pagkakataon, handa si Boss Ronald Mascariñas ng Chooks-to-Go at Pilipinas 3x3 na saluhin at ganapin sa Pilipinas ang torneo.
Ilalabas din ngayong Linggo ng FIBA ang kalendaryo ng FIBA 3X3 Challengers na naantala dahil ilan sa mga yugto nito ay sa Tsina kasama ang unang yugto na pinagpaliban na. Dagdag ni Boss Ronald na may isa sa nakaplanong 30 Challenger ang gaganapin sa Pilipinas.
Samantala, nais din ng FIBA na palakasin at palawigin ang FIBA 3x3 Women’s Series na nilalahukan ng mga pambansang koponan. Sa simula ng taon, nagdeklara ng suporta ang Chooks To Go para sa Lady Gilas 3x3 na iniuwi ang gintong medalya sa 30th Southeast Asian Games kaya hindi malayo na makasali rin ang mga tulad nina Janine Pontejos, Afril Bernardino, Claire Castro at Jack Danielle Animam.





Comments