top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

8 milyong baboy, tagilid sa ASF, tulong ng gobyerno, wala pa rin!

  • Editoryal
  • Feb 17, 2020
  • 1 min read

Halos 200,000 baboy na ang pinatay sa iba’t ibang lugar sa ating bansa dahil sa African Swine Fever (ASF). Kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng ASF, tinatayang nasa 62% ng kabuuang hog population ang maaari umanong mawala ngayong taon. Katumbas ito ng walong milyong baboy o higit 500 milyong kilo ng karne.

Kasunod ng pagbaba ng supply ng karneng baboy ay sisipa naman ang presyo ng ibang pangunahing produkto na magsisilbing alternatibo. Ang masaklap, napakaraming hog raisers at kani-kanilang pamilya ang malalagay sa alanganin.

Bagama’t, una nang tiniyak ng gobyerno na may aasahang ayuda ang mga apektado ng ASF, tila maging ito ay natrapik din.

Matatandaang, daan-daang baboy ang pinatay sa Bacoor City, Cavite noong Nobyembre, 2019 para maiwasan ang pagkalat ng ASF. Kasabay nito ang pramis ng pamahalaan na bibigyan ng tulong-pinansiyal ang mga hog raiser.

Gayunman, makalipas ang ilang buwan, hindi pa rin umano nakararating ang kabuuan ng perang inaasahan ng mga magbababoy.

Ayon sa ulat, nakuha na ng mga hog raiser ang tulong mula sa Bacoor City Hall at Cavite Provincial Government na tig-P2,000 kada baboy, subalit, ang galing sa Department of Agriculture (DA) na P5,000 kada baboy ay wala pa rin.

Maaaring dumaraan pa sa masinsinang proseso ang nasabing tulong mula sa national government, pero hindi rin natin masisi ang mga magbababoy na kumustahin ang ipinangakong tulong lalo na at tiniyak namang may perang nakalaan para rito.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page