San Beda U, umentra na sa NCAA-UAAP Challenge Finals

Photo: Philippine Collegiate Champions' League
Pasok na ang San Beda University sa 2019 National Collegiate Championship matapos nilang talunin ang University of Santo Tomas, 77-68, sa huling araw ng NCAA-UAAP Challenge sa FilOil Flying V Centre Sabado ng hapon. Nagpasiklab ng maaga si James Canlas Kwekuteye pero kinailangan ng Red Lions ang mga malaking buslo nina Peter Alfaro at MVP Calvin Oftana sa huling mga minuto upang masigurado ang kanilang tiket. Pinasok ni Alfaro ang limang sunod na puntos upang palamigin ang humahabol na Growling Tigers, 72-63. Kahit hirap makapuntos buong laro, nagreserba si Oftana ng lakas at binalik ang 11 puntos na lamang papasok ng huling dalawang minuto, 74-63, at tinuldukan ang laban ng isang tres na may 15 segundong nalalabi, 77-65.
May 11 puntos at anim na assist si Kwekuteye sa unang half pa lang kung saan umarangkada ang Red Lions, 39-27. Tabla ang talaan sa 6-6 at biglang binuhos nina Kenmark Carino, Prince Etrata at Alex Visser ang pitong sunod na puntos at hindi na binitawan ng San Beda ang lamang.Umabot ng hanggang 16 ang pinakamalaking lamang matapos ang tres ni Dan Villejo bago magsara ang ikatlong quarter, 62-46. Sinubukan muli ng UST na lumapit sa tulungan nina Mark Nonoy at CJ Cansino, 62-67, pero hanggang doon nalang at biglang umangat sina Alfaro at Oftana.
Namuno si Kwekuteye sa tagumpay na may 14 puntos, pitong rebound, pitong assist at apat na agaw. Nagdagdag ng 13 si Alfaro habang 11 at 10 ang ambag nina Penuela at Carino. Nanguna para sa Growling Tigers si Cansino na may 21 puntos at siyam na rebound. Sinundan siya nina Brent Paraiso na may 12 at Sherwin Concepcion na may 10 puntos.





Comments