K to 12 curriculum, pinababago para hindi mangulelat ang mga Pinoy
Bulgarific
Hello, Bulgarians! Isang taon bago muling sumabak ang Pilipinas sa global survey na Programme for International Student Assessment o PISA, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagreporma sa curriculum ng K to 12.
Ito ay upang maiangat ang mga marka ng Pilipinas mula sa nakadidismayang resulta ng 2018 PISA na inilabas noong isang taon na sumuri sa kakayahan ng kabataang nasa 15 taong gulang mula sa 79 bansa. Isinasagawa ang PISA kada tatlong taon upang suriin ang kaalaman at kakayahan ng kabataan pagdating sa Reading Comprehension o Pagbasa, Science at Mathematics.
Lumabas sa 2018 PISA na Pilipinas ang may pinakamababang marka sa Reading Comprehension. Ang Pilipinas din ang may pangalawang pinakamababang marka pagdating sa Science at Mathematics.
“Kung hindi tayo magsasagawa ng mga reporma bago sumabak ang ating mga mag-aaral sa PISA 2021, maaasahan nating hindi magbabago ang mga markang lumabas noong nakaraang taon. Ang pagreporma sa curriculum at pag-decongest dito ang pinakamabilis na maaari nating gawin upang masigurong nakapagtuturo nang mahusay ang ating mga guro at lubos na nakauunawa ang ating mga mag-aaral,” ani Sen. Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ang pagkakaroon ng congested curriculum ang isa sa mga suliraning kinahaharap ng programang K to 12. Kabilang sa mga epekto nito ang kalidad ng pagtuturo ng mga guro at pang-unawa ng mga mag-aaral. Nagiging sagabal din ito upang magkaroon ng sapat na kakayahan ang mga mag-aaral pagdating sa pagbasa, pagsulat at pagbilang.
Naghain din si Sen. Gatchalian ng resolusyong magpapatawag ng pagdinig tungkol sa mga resulta ng PISA 2018. Ayon sa mambabatas, layon ng gagawing pagdinig na ihanay ang mga panukalang-batas sa programang “Sulong EduKalidad” ng DepEd. Sa ilalim ng naturang programa, mas tututukan ng DepEd ang pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Ang pagreporma sa curriculum ng K to 12, pag-angat sa learning environment ng mga mag-aaral, paglinang sa kakayahan ng mga guro at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga sektor ang mga bagay na layong pansin ng “Sulong EduKalidad.”
♥♥♥
For event invitations, please, email bulgarific@ gmail.com or PM us on our Facebook page.
Got to go! It’s so Bulgarific!
xoxo





Comments