Red carpet, inilatag ng GAB kay world champ Taduran

Hindi man kasinggarbo na tulad nang naipagkaloob kay 8th division world champion Manny Pacquiao, natikman ng sumisikat na si Pedro Taduran, Jr, ang ‘red carpet’ sa opisina ng Games and Amusement Board (GAB) sa Makati City.
Walang alingasngas ang pagbabalik-bayan ng 23-anyos na pambato ng Libon, Albay, ngunit siniguro ni GAB Chairman Baham Mitra, kasama sina Commissioner Ed Trinidad at Mar Masanguid, na matitikman ng Pinoy champion ang ‘hero’s welcome’. “Masayang-masaya po ako. Hindi ko akalain na bibigyan ako ng ganitong programa ng GAB. Umasa po kayo na pag-iigihan ko pa ang ensayo para makapanalo pa rin tayo sa susunod na laban,” pahayag ni Taduran, sinamahan ng kanyang business manager na si Sean Gibbons ng Pacman Promotions. Nagbigay ng bagong karangalan si Taduran sa bansa nang talunin niya via Referee-Stop-Contest si Valladares sa kanilang duwelo noong Peb. 1 sa Jardin Cerveza Expo, Guadalupe, Nuevo León, Mexico.
Kapana-panabik at punong-puno ng aksiyon ang duwelo sa unang 3 rounds, bago naganap ang hindi inaasahang ‘accidental headbutt’ na nag-iwan ng malalim na sugat sa ibabaw ng kanang mata ng Mexican. Matapos masuri ng ring doctor, inirekomenda nito na huwag nang ituloy ang laban bunsod nang maselang kalagayan ng sugat sa mata ni Valladares, sapat para itigil ang laban sa ikaapat na round.
“Ngayon, we have 4 world champions, siyempre we have Senator Manny, Casimero, Jerwin Ancajas, and now we have Pedro Taduran. We are hoping to add more Pinoy champions this year,” pahayag ni Mitra. Pinasalamatan ng kampeon ang pamunuan ng GAB at ayon kay Gibbons, na malaki ang papel na ginagampanan ng GAB nang pagkalooban nila ng plaque of appreciation si Taduran.





Comments