Baka raw may milagro sa healing priest... John, todo-asang mabubuhay pa si Fr. Suarez, wa epek!
- Vinia Vivar
- Feb 14, 2020
- 2 min read

Photo: @johnarcilla (right)
Ikinagulat at labis na ikinalungkot ni John Arcilla ang pagpanaw ng healing priest na si Fr. Fernando Suarez lalo pa nga’t malapit na nilang matapos that time ang bio-flick nitong Suarez, The Healing Priest mula sa direksiyon ni Joven Tan.
Nag-last shooting day na ang pelikula last Feb. 8 at nakakalungkot talagang hindi na nahintay ni Fr. Suarez na maipalabas man lang ang kanyang bio-flick.
Inatake sa puso ang kontrobersiyal na pari habang naglalaro ng favorite sports na tennis sa Alabang Country Club last Feb. 4. He was declared dead on arrival (DOA) at Asian Hospital kung saan ito isinugod matapos mag-collapse.
Ayon kay John ay dumalaw-dalaw pa ito sa shooting habang ginagawa nila ang pelikula kaya sobrang ikinagulat nila ang balitang pumanaw na ito.
“Itinext sa akin ni direk, sobrang shocked ako,” sabi ni John.
Pumunta raw siya agad sa Asian Hospital pero wala na ngang buhay si Fr. Suarez.
Ikinuwento ni John na hanggang sa huling sandali ay umasa siyang mabubuhay muli ang pari at baka magkaroon ng milagro.
“‘Yung kanyang mga followers doon, ‘yung mga believers niya, ‘andu’n lahat sa paligid, ang dami, mina-massage siya kasi malambot pa siya, eh,” kuwento ni John.
“Lahat ay nag-expect ng miracle kasi gumagawa siya ng miracle, baka may miracle na mangyari,” he said.
But unfortunately ay oras na nga marahil ni Fr. Suarez, ang paring sinasabing nakapagpapagaling ng mga may sakit.
Personal choice ni Fr. Suarez si John para gumanap sa kanyang bio-flick. Aminado naman ang aktor na pinag-isipan niyang mabuti kung tatanggapin ang pelikula dahil nga may mga controversies sa nasabing pari. Pero nang ma-meet daw niya ito ay nakita niya ang sinseridad nito at doon na siya nag-decide na gawin ang pelikula.
Habang ginagawa ang movie ay lumabas na falsely accused lang ang pari sa reklamong sexual abuse of minor kaya laking-tuwa ni John dahil tama ang naging desisyon niya.
Intended for Summer Metro Manila Film Festival ang pelikula dahil nga timely para sa Holy Week. Kasama rin sa movie si Dante Rivero na gumaganap namang Bishop Antonio Palang, ang naging protektor ni Fr. Suarez at isa sa mga naniniwalang wala siyang kasalanan nang maakusahan ng sexual abuse of minor in 2014.





Comments