Thai Shuttlers, sinampolan agad ang Pinay sa Asia C’ships

Blinangka ng Thailand ang Pilipinas, 5-0, sa pagsisimula ng Women’s Division ng 2020 Badminton Asia Manila Team Championships sa Rizal Memorial Coliseum kahapon. Ipinakita ng Thais ang kanilang husay sa loob ng limang laro kung saan walang pinanalong set ang mga Pinay.
Binuksan ni World #15 Busanan Ongbamrungphan ang araw sa tagumpay sa numero unong shuttler ng Pilipinas at World #319 na si Airah Mae Nicole Albo, 21-8 at 21-10. Sumunod sina World #20 Pornpawee Chochuwong na nanalo kay Ma. Bianca Carlos, 21-14 at 21-12 at Chasinee Korepap na wagi kay Sarah Joy Barredo para masiguro ang tie, 21-14 at 21-15.
Nilaro pa rin ang dalawang Women’s Doubles at pareho rin ang resulta simula sa pagwalis nina Jongkolphan Kititharakul at Rawinda Prajongjai sa pambato ng Pilipinas na sina Thea Maria Pomar at Alyssa Yasbel Leonardo, 21-12 at 21-13.
Bumalik si Korepap sa laro at sinamahan si Phataimas Muewong para mabuo ang dominasyon ng Thailand sa tambalan nina Joella Geva de Vera at Chanelle Lunod, 21-10 at 21-8.
Dahil diyan, kailangang maipanalo ng Pinay shuttlers ang kanilang susunod at huling tie sa group stage kontra sa Indonesia ngayong Miyerkules ng 10 a.m. upang makapasok sa knockout quarterfinals sa Peb. 14.





Comments