Ateneo, pasok na sa Collegiate C’ship ng NCAA-UAAP Challenge

Photo: Philippine Collegiate Champions' League
Pasok na ang defending national champion at hari ng 82nd UAAP Ateneo de Manila University sa National Collegiate Championship matapos talunin ang University of Santo Tomas, 82-71, sa ikalawang araw ng NCAA-UAAP Challenge sa FilOil Flying V Centre.
Sa unang laro, bumawi ang San Beda University sa kampeon ng 95th NCAA Colegio de San Juan de Letran, 76-53.
Tumira si Rhenz Abando ng tres upang lumapit ang UST, 68-71, at 5:10 ang nalalabi subalit sinagot ito ng 11 sunud-sunod na puntos ng Blue Eagles simula sa mga buslo nina Ange Kouame at Matthew Daves at tinuldukan ng mga free throw nina Dwight Ramos, SJ Belangel at Troy Mallillin para lumayo papasok ng huling dalawang minuto, 82-68.
Mula roon ay parehong lumamig ang dalawang paaralan at tinapos ni Abando ang laro sa isa pang tres sabay ng huling busina.
Bumida muli si Belangel para sa Blue Eagles na may 26 puntos at dalawang rebound.
Matibay din si Kouame na may 15 puntos, 13 rebounds at limang tapal. Kahit naglalaro na puro Pinoy, winakasan ng Red Lions ang kampanya ng Knights sa torneo.
Dalawang beses lang nakatikim ng lamang ang Letran, 3-2 at 6-5 at walang makapigil sa bulusok ng San Beda at ang huling talaan ang pinakamalaking lamang ng laro.
Nanguna para sa Red Lions si NCAA MVP Calvin Oftana na may 17 puntos, 9 na rebound at anim na assist.
Nagpasikat din ang mga reserbang sina Ralph Penuela at Peter Alfaro na may 16 at 12 puntos.
Dahil sa panalo ng San Beda at talo ng UST, pareho silang naging 1-1 ang kartada at maghaharap sila sa Sabado para sa pangalawa at huling tiket papuntang Davao City ngayong Pebrero 22.
Naghihintay doon ang mga kampeon ng Luzon at pinagsamang Visayas at Mindanao.
Samantala, nagsimula rin noong Linggo ang Luzon Championship sa Naga City Coliseum.
Panalo ang Diliman College Blue Dragons sa Annunciation College of Bacon, Sorsogon Unit Panthers, 86-61, at dinurog ng University of the Philippines Fighting Maroons ang Naga College Foundation Tigers, 83-45.
Ang Visayas-Mindanao Championship o Escandor Cup ay gaganapin mula Pebrero 17 hanggang 20 sa Davao City.
Tampok sa torneo ang kampeon ng 19th CeSAFI Southwestern University-Phinma Cobras, University of the Visayas Lancers, Asian College-Dumaguete Lightning, Holy Trinity College of General Santos Wildcats, MATS College of Technology Navigators at Holy Cross of Davao College Crusaders.
Mga laro sa Sabado – FilOil Flying V Centre: 1:00 San Beda vs. UST; 3:00 Letran vs. Ateneo.





Comments