Pag-a-abroad, ipinagpe-play ng mga naiinggit na ‘wag matuloy kaya palaging nauudlot
Dear Maestro, Maraming beses na akong nag-abroad, pero dahil naubos na ang ipon ko, nais kong bumalik sa dati kong amo at okey naman daw sa kanila na bumalik ako. Itatanong ko lang kung matutuloy ba ako ngayong 2020, kasi sabi ng amo ko ay mag-ayos na ako ng mga papeles at siya na ang bahala sa visa ko? Sa pag-ibig naman, wala akong boyfriend, kailan kaya ako magkaka-boyfriend at makapag-aasawa? October 9, 1984 ang birthday ko.
Umaasa, Wella ng Baay, Labo, Camarines Norte
Dear Wella, Ayon sa birth date mong 9 at destiny number na 5 (10+9+1984=2003/ 20+03=23/ 2+3=5), kailangan mong magpakumbaba at ‘wag masyadong maangas upang madali mong makamit ang ligaya at tagumpay, hindi lang sa career kundi pati na rin sa pag-ibig.
Upang muling makabalik sa ibang bansa na sadya namang mangyayari kung gugustuhin mo dahil nagtataglay ka ng destiny number 5, ‘wag mo agad ipamalita ang iyong mga plano at ginagawa. Kaya ang mas maganda ay ilihim mo lang ang ginagawa mong pag-a-apply abroad na ang maaaring senaryo ay sa sandaling nalaman ng mga taong nakapaligid sa iyo ay magugulat pa sila dahil paalis ka na pala.
Sa aktuwal na buhay, minsan kasi, mientras ikinukuwento natin sa ating mga kasama ang ating plano sa buhay, akala nila ay nang-iinggit lang tayo o nagyayabang, kaya ang tendency, lihim nilang hinihiling na mabigo ka sana dahil ang yabang mo.
Madalas mangyari ang ganitong kaganapan, lalo na sa mga taong atrebida na akala mong nagyayabang na ubod nang galing at minamaliit ang kaharap o kausap, kaya pag-alis ng atrebidang taong ito, sa isip-isip ng kausap niya, “Madapa at mabigo ka sana!”
Kaya minsan, mainam pang ilihim ang ating mga plano at kapag nand’yan na, saka mo na lang ibida sa kanila para hindi sila makakontra at makapag-ill wish sa iyo dahil hawak mo na ang tagumpay. Upang mas madali kang makapag-abroad ulit, tulad ng nasabi na sa itaas, ilihim mo ang iyong mga binabalak, lalo na sa mga inggiterang kakilala mo upang hindi nila mabulilyaso ang iyong layunin na muling makapangibang-bansa.
Pangalawa, palagi kang magsuot ng kulay pula dahil ang birth date mong 9 ay nagtataglay ng ruling planet na Mars. Ibig sabihin, sa anumang pagkakataon, sitwasyon at pangyayari, palagi nang nananaig sa iyong puso at isipan ang katapangan. ‘Yun nga lang, kung minsan, ito ay sumosobra kaya hindi mo nakakalkulang mabuti ang susunod na mangyayari.
Dahil Mars ang ruling planet ng numero mong 9, may mga sitwasyon din na may nakakaaway ka. Iwasan mo rin ang mga bagay na ito at kailangang palagi kang marunong magpasensiya, mapagmahal at mapagtiis, lalo na sa mga negatibong ugali ng iyong mga kakilala at kasama. Sa ganitong paraan, nagpapakumbaba, nagmamahal ka at umiiwas sa mga intriga at pakikipag-away, mas madali mong mapipitas ang maunlad, masaya at panghabambuhay na tagumpay at kaligayahan.
Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, ngayong taon bago sumapit ang edad mong 36, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.
Ayon sa iyong Love Calendar, kapag nasa ibang bansa ka na, sa 2021, sa edad mong 36 pataas, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius ang darating at manliligaw sa iyo na sa bandang huli ay siya na ring mapapangasawa mo at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments