PSC Chief Ramirez, PSA Executive of the Year
- VA
- Feb 10, 2020
- 2 min read

Nakatakdang parangalan ang Team Philippines Chef De Mission sa nakaraang 30th Southeast Asian Games na si Philippine Sports Commission Chairman William ‘Butch’ Ramirez bilang PSA Executive of the Year.
Makakasalo sa limelight si Ramirez na siyang nasa likod ng matagumpay na kampanya ng Team Philippines sa nakalipas na biennial games sa idaraos na SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night na gaganapin sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Binigyang kredito si Ramirez sa pamumuno sa delegasyon ng bansa upang muling maangkin ang overall championship ng SEA Games makalipas ang 14 na taon.
Nagwagi ang 1,115-Team Philippines ng 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals na siyang pinakamalaking bilang ng medalyang napanalunan ng bansa mula nang lumahok sa biennial regional meet noong 1977.
Nagkataon namang si Ramirez din ang PSC chief at Chef de Mission nang unang magwagi ang Pilipinas ng SEAG overall title noong 2005.
Mahahanay si Ramirez sa mga nakatanggap ng nasabing award mula sa pinakamatandang media organization sa bansa na gaya nina Manny V. Pangilinan, Ramon S. Ang, Wilfred Uytengsu, Hans Sy, Ricky Vargas, Chito Salud, Jude Echauz, Dan Palami at Philip Ella Juico.
Kasama rin si Ramirez ng Team Philippines sa awards night sa pagtanggap ng prestihiyosong Athlete of the Year award.
Ang iba pang mga karangalang ipamimigay ng pangunahing sportswriting fraternity ng bansa ay ang President’s Award, Executive of the Year, at National Sports Association (NSA) of the Year.
Ang iba pang awards ay kinabibilangan ng Ms. Basketball, Mr. Volleyball, Ms. Volleyball, Ms. Golf, Mr. Football, Coach of the Year, Major Awards, Lifetime Achievement Award, Tony Siddayao Awards, MILO Junior Athletes Award, at citations para sa mga SEA Games gold medal winners.
Samantala, bibigyan rin ang mga sports personalities na namayapa noong nakaraang taon ng posthumous recognition.





Comments