Babaeng tanggap kahit 2 sila sa buhay ng lalaki, 'wag lang siyang iwan
Bigyang-daan natin ang iba’t ibang klase ng pag-ibig o love.
Marami ang nagsasabi na “To love is nothing” at “To be loved is something” na para bang walang kuwenta na tayo lang ang nagmamahal. Ito ay nararanasan ng mga mahal ang karelasyon, pero hindi naman sila mahal ng kanilang karelasyon.
Minsan, hindi natin sila masisisi dahil nga sila ay nagmamahal at sa kanilang pagmamahal, nakadarama rin sila ng kaligayahan. Kaya lang, ang ganu’ng pagmamahal ay pinakamasaklap sa lahat ng klase ng pagmamahal. Ito ang kahulugan ng “To love is nothing”.
Ang “To be loved is something” ay nararanasan ng marami na may nagmamahal sa kanila kung saan sila ay parang espesyal dahil may nagtatangi sa kanila.
Ito ay dahil gagawan sila ng magagandang bagay ng mahal nila, reregaluhan, kakain sa magagandang restoran nang magkasama, magde-date sa magagandang lugar at mamamasyal sa mga malalayong pasyalan.
Sa babae, kapag may nagmamahal sa kanila, asahan n’yo nang makatatanggap sila ng mga bulaklak at sa buhay ng babae, ang ganitong bagay ay nagbibigay-ligaya sa kanila. Gayundin, kapag minamahal ang babae, makikitang sila ay proud na proud dahil marami ring dalaga na nagsisitanda nang hindi pa nakararanas na may nagmamahal sa kanila.
Mahirap kapag walang nagkakagusto sa babae, lalo na kapag siya ay may magandang kalagayan sa buhay dahil ang ibang babae na nakikita niyang mas mababa ang kalagayan sa kanya ay minamahal, pero siya ay hindi pa nakararanas na mahalin. Kaya masasabi ring napakalungkot ng babaeng wala pang boyfriend o manliligaw.
Pero may isang nakahihigit sa babaeng may nagmamahal at ito ay ang isa pang pananaw tungkol sa love na “To love and be loved and that is everything.” Ibig sabihin, ang minahal mo ay minamahal ka rin, kaya sobrang ligaya ang iyong madarama. Ito rin ang pinapangarap ng lahat, ang mahalin din sila ng minamahal nila. Mayroon pa bang mas sasaya sa ganitong sitwasyon? Siguro, wala na.
Kaya lang, ito ay hindi garantiya na ang mahal mo na nagmamahal din sa iyo ay ikaw lang ang minamahal. Kumbaga, oo, mahal ka niya, pero maaaring may mahal pa siyang iba bukod sa iyo.
Sa ngayon, masasabing ito na ang uso, as in, marami ang ganito na higit sa isa ang kanilang mahal, lalo na sa hanay ng kalalakihan. Kumbaga, ang masarap na pakinggan na “one and only” ay outdated na at naiwan ng panahon at napabilang na sa mga makalumang panuntunan ng buhay sa larangan ng pakikipagrelasyon.
Hindi ito katanggap-tanggap, lalo na sa kababaihan, pero mahirap paniwalaan na kapag ang babae ay tunay na nagmahal, hindi siya papayag at maaaring napakagulo ng sitwasyon sa huli, pero dahil mahal na mahal niya ang lalaki ay papayag na rin siya sa ganu’ng reyalidad dahil higit na pahahalagahan niya na ang mahal niya ay nasa kanya pa, as in, hindi naman siya iniwan.
Mahirap paniwalaan ang ganitong mga pangyayari, pero ito ay nagaganap na ang babae ay nagalit dahil may ibang mahal ang kanyang minamahal, pero nawawala rin ang galit sa ngalan ng pag-ibig.
(Itutuloy)




Comments