Bad trip sa ibinalita noon sa gulo ng pamilya Manalo… INC, nagsalita na sa pagharang sa prankisa ng
- Ador Saluta
- Feb 9, 2020
- 3 min read

Nalalagay ngayon sa kontrobersiya ang maimpluwensiyang religious group na Iglesia ni Cristo (INC) dahil sa matindi umano nitong pagla-lobby sa Kongreso upang harangin ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Ayon sa ulat ng online website na Politiko noong February 4, nakipagkita raw kamakailan ang mga matataas na pinuno ng INC sa ilang opisyal ng Kongreso. Dito ay inihayag umano ng INC ang pagtutol nito sa nakaambang pagtalakay at pagbigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN na nakatakdang mapaso ang prangkisa sa darating na March 30, 2020.
Ayon sa Congress insider ng nasabing website, hindi raw nagustuhan ng INC ang coverage ng ABS-CBN noong may tensiyon sa pagitan ng mga namumuno ng kanilang simbahan, na nagdulot ng dungis sa kanilang sekta.
Taong 2015, nasangkot sa kontrobersiya ang INC dahil sa diumano’y pag-aaklas ng ilang miyembro laban sa mga namamahala ng kanilang organisasyon.
Sangkot sa kontrobersiya si INC Executive Minister Eduardo Manalo, sarili nitong ina na si Cristina “Tenny” Manalo, at kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo.
Nag-ugat ito sa kumalat na video ni Ka Angel at voice recording ni Ka Tenny na humihingi ng tulong dahil diumano’y nanganganib ang buhay nilang mag-ina at mayroong na-abduct nang INC minister.
Naiulat din noon sa ilang pahayagan at online news sites ang pagkuwestiyon ni Ka Angel sa paggamit ng P7.8-bilyong pondo ng sekta para sa itinayong Philippine Arena, na matatagpuan sa loob ng 50-hectare Ciudad De Victoria property ng INC sa Bocaue, Bulacan.
Tinanggal ni Ka Eduardo sa INC sina Ka Tenny at Ka Angel sa rekomendasyon daw ng “Sanggunian,” matapos diumano ng pagpapasimuno nila ng hindi pagkakaintindihan sa grupo.
Dagdag pa sa ulat ng nasabing website, hindi raw nagustuhan ng “Sanggunian” ng INC ang pag-handle ng ABS-CBN sa coverage sa girian ng mga Manalo at ilang miyembro ng kanilang pamilya.
Kilala ang INC sa block voting tuwing eleksiyon kaya maraming mga pulitiko at personalidad ang lumalapit sa kanila upang magpa-endorse. May halos tatlong milyong miyembro ang INC sa buong mundo.
Nagtanung-tanong daw ang PEP.ph sa mga taong may kaugnayan sa INC kung may alam sila ukol dito, ngunit wala sa kanila ang nakakaalam.
Hanggang nitong Biyernes (February 7), sa pagkalap ng Pep ng mga impormasyon sa mga taong may kaugnayan sa INC, nakausap nila ang isang may mataas na katungkulan sa nasabing religious group.
Naitanong sa nasabing miyembro kung may katotohanan ang report na nagla-lobby ang mga matataas na opisyales ng INC upang hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN subali’t tumangging magbigay ng pahayag ang opisyal at nakiusap ding huwag pangalanan, dahil wala umanong katotohanan ang lumabas na report.
Sa kanyang salita, “fake news” ang nasabing report at hindi dapat pagtuunan ng pansin.
May natitira pang 51 araw ang ABS-CBN upang makakuha ng legislative franchise mula sa Kongreso.
Matatandaang inihayag ni P-Duterte sa publiko na haharangin niya ang anumang batas ukol sa prangkisa ng Kapamilya Network dahil sa “panggagantso” diumano sa kanya matapos hindi iere ang political ad niya noong 2016 presidential elections kahit bayad na ito.
Ang pinakahuling banat ng Pangulo ay nito lamang bago magtapos ang taong 2019 kung saan hayagang sinabihan niya ang mga may-ari na ibenta na lamang ang istasyon sa ibang negosyante.
Ayon naman kay House Speaker Alan Peter Cayetano, tatalakayin ng House Committee on Legislative Franchises ang pending franchise renewal bills, kabilang na ang sa ABS-CBN, ngayong unang linggo ng Pebrero. But as of this writing, hindi pa rin nagkaroon ng hearing ang nasabing komite.
Sa March 14 ang huling session ng Kongreso bago ito mag-summer break.




Comments