NSPC at NFOT, kanselado; Palarong Pambansa, tuloy
- Gerard Arce
- Feb 6, 2020
- 1 min read

Patuloy pa ring itutulak ang pagsasagawa ng taunang multi-sports event na Palarong Pambansa para sa mga K-12 na estudyante sa Mayo, kahit pa man may banta ng bagong coronavirus na nakapasok na sa bansa.
Inihayag ni Department of Education (DepEd) secretary Leonor Briones kahapon na hindi kabilang ang multi-sports events sa mga inanunsiyong pagpapaliban sa lahat ng off-campus events.
Ilan sa mga ipagpapaliban ay ang National Schools Press Conference (NSPC) sa Tuguegarao, Cagayan, at National Festival of Talents (NFOT) sa Ilagan, Isabela.
Bilang paglilinaw sa mga ipinagpalibang aktibidad ng departamento, patuloy pa ring gaganapin ang summer sports events sa nakatakdang plano nito sa Mayo sa Marikina City. “We reiterate that the Palarong Pambansa is NOT included in the list since it will officially open by May this year,” ayon sa pahayag ng DepEd sa social media site nito.
Isasama rin nila ang pagpapatigil sa National Science and Technology Fair (NSTF) sa Metro Manila, at ang regional meet na Central Visayas Regional Athletic Association sa Dumaguete City, sa Negros Oriental, na napabalitang may kaso rin ng nCoV. Ang naturang virus na nagmula sa Wuhan, China ay nakapinsala na ng maraming buhay at nakahawa ng 20,000 mga katao sa buong mundo.
Inaasahan namang daragsain ng mga atleta, coaches, officials ang naturang taunang torneo ng mga kabataan bilang parte ng grassroots sports program ng gobyerno. Tiyak na dadaluhan ito ng mahigit sa 10,000 partisipante mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Nakatakda sanang ganapin ang Palarong Pambansa sa orihinal na host nitong Occidental Mindoro, ngunit, dahil sa matinding hagupit ng bagyong Tisoy sa naturang lugar noong Disyembre, 2019 ay napilitang ilipat ito sa kasalukuyang host na Marikina City.





Comments