Namimitas ng kamatis, sign na kailangan ng sustansiya ng katawan
Salaminin natin ang panaginip ni Arjay ng Arjay_RG@facebook. com
Dear Professor, Ano ang ibig sabihin ng namimitas ng kamatis?
Naghihintay, Arjay
Sa iyo Arjay, Tulad ng nasabi na sa kolum na ito, madalas, kung ano ang bagay na napanaginipan, ‘yun mismo ang kailangan ng nanaginip.
Sa ganitong takbo ng panuntunan, sa pag-aanalisa ng mga panaginip, malinaw na malinaw na kailangan mong kumain ng kamatis o tomato. Hindi ka man isang doktor o may alam tungkol sa medisina, hindi na ‘yun mahalaga dahil wala namang masama sa pagkain ng kamatis. ‘Yung sinasabing sobra ay hindi naman din mangyayari sa iyo dahil wala namang tao na adik sa kamatis.
Siguradong alam mo rin na ang kamatis ay masustansiya at maraming benepisyong naibibigay sa tao, kaya ang payo ng panaginip ay kailangan mo talagang kumain ng kamatis at madali mo rin namang masusunod.
Puwedeng hilaw na kamatis ang kainin mo, puwede rin namang medyo luto kung saan ilalagay mo ang kamatis sa ibabaw ng sinaing saka mo kakainin kasabay ng iba pang mga ulam.
Puwedeng-puwede rin ang mga lutuing isda, karne, gulay at itlog na lalagyan mo rin ng mga kamatis.
Ngayong nagkakagulo na ang mundo kasama na ang Pilipinas, sinasabi ng mga eksperto na kailangang magpalakas tayo ng resistensiya. Ipinapayo ng mga doktor na uminom ng Vitamin C ang mga tao at ang kamatis ay mayaman sa Vitamin C.
May dahilan kung bakit pinakakain ka ng mga kamatis ng iyong panaginip. Ikaw ay maaaring may mahinang panlaban sa mga sakit kung saan kapag kumain ka ng kamatis ay lalakas ang iyong immune system. Ang pagkain din ng kamatis ay mabisa para maiwasan ang pagkakaroon ng iba't ibang klase ng cancer.
Sa kasalukuyan, maraming tao ang ayaw ng medisina dahil ang paniniwala nila ay makasisira ng kidney ang mga gamot, kaya mas maganda na ang kamatis ang ating kainin. Hindi man ito aktuwal na gamot, sure na sure naman na may medicinal value ang kamatis.
Ito pa ang maganda sa pagkain ng kamatis, nagpapaganda rin ito ng tibok ng heart o puso. Gayundin, malaki ang naitutulong nito para maging normal ang blood pressure at nagpapaganda ng kutis.
Kaya saan ka pa, eh, di sa kamatis ka na.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments