Ika-3 titulo, inangkin ni Orcullo sa Derby City
- Eddie M. Paez, Jr.
- Feb 5, 2020
- 1 min read

Tinangay ni Dennis “Robocop” Orcullo ng Pilipinas ang kanyang pangatlong Derby City Classic (DCC) Master of the Table na karangalan kaakibat ang papremyong nagkakahalaga ng $20,000 nang magsara ang malupit na taunang kompetisyon sa Elizabeth, Indiana.
Kasama sa mga nag-ambisyon pero nabigo sa karera para sa nabanggit na pangkalahatang kampeonato ang pangalawa at pangatlo sa pinakamalulupit na mga manunumbok sa buong mundo na si Joshua “The Killer” Filler ng Germany at ang local ace na si Shane Van Boening ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ginamit na armas ng 41-anyos na cue artist mula Bislig ang kanyang pangunguna sa 9-Ball Banks event at ang pagiging tersera sa 9-Ball na bakbakan upang makakolekta ng kabuuang 210.0 puntos at mahigitan ang 205.7 puntos na naipon ni One Pocket winner Billy Thorpe ng U.S.A.
Pumangalawa sa labaan para sa Master of the Table ang Amerikano samantalang si dating World 9-Ball champion na si Filler ay pumangatlo (192 puntos).
Tila tuwing tatlong taon ay nagiging overall champion si Orcullo.
Taong 2014 nang unang tanghaling Master of the Table ang dating world 8-Ball at naulit naman ito noong 2017.
Pero hindi lang si Orcullo ang naging multiple winner na galing sa Pilipinas.
Nasa kasaysayan na rin ng Derby City Classic bilang All Around titlist ang mga dating hari ng 9-Ball sa buong mundo na sina Francisco “Django” Bustamante (2013, 2018) at Alex “The Lion” Pagulayan (2015, 2016).
Ang Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer na si Efren “Bata” Reyes ay naging Master of the Table na rin noong 2010.





Comments