Mister na OFW, inaway dahil inubos ang datung sa bisyo at mga kaibigan, magkakabalikan pa rin
Maestro Honorio Ong

Katanungan
1. Mag-iisang buwan nang hindi umuuwi sa bahay ang aking asawa. Mula nang dumating siya galing abroad, halos ubusin niya ang pera niya sa good time, painom sa mga kaibigan at gimmick kung saan-saan. Pinagsabihan ko siya, pero ako pa ang masama, bakit ko raw siya pinakikialaman, samantalang, pinaghirapan naman daw niya sa abroad ang perang inuubos niya, kaya muntik na kaming magkasakitan, mabuti na lang at inawat kami ng mga anak namin.
2. Mula noon, hindi na siya umuwi ng bahay at ang balita ko ay nakikituloy siya sa kanyang mga kaibigan. Natatakot din ako na baka tuluyan na kaming magkahiwalay. Kung mangyayari ito, naaawa ako sa mga anak namin dahil mga bata pa sila at nagsisipag-aral pa. Naguguluhan na ako sa mga pangyayari kaya sana, maanalisa n'yo ang kapalaran ko kung ano ang mangyayari sa pamilya namin? Kasagutan
1. Sadyang napakalaki pa ng pag-asa na kayo ay magkabalikan basta ang mahalaga, hanapin mo ang mister mo at pagkatapos ay kausapin mo siya nang masinsinan sapagkat ayon sa guhit ng iyong mga palad, nagtataglay ka ng isang malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda na kung sino ang lalaking una mong inibig at pinakasalan, sa bandang huli, ang lalaki ring ito ang nakatakda mong makasama habambuhay.
2. Ang iyong lagda na medyo magulo sa gitna ay nagsasabi namang marahil sa kasalukuyan ay idinaraan lang sa mabigat na pagsubok ang inyong relasyon, pero dahil gumanda at naayos din ang iyong lagda, matapos pumangit ay gumanda na ulit ang gitna hanggang dulong bahagi ng iyong pirma. Ito ay tanda na pagkatapos ng mga pagsubok at unos na pinagdaraanan ng inyong relasyon, kumbaga, may bagyo, bukas-makalawa, mahahawi rin ang makapal na ulap sa kalangitan upang pagmulat ng iyong mga mata, isang umagang kayganda at maliwanag na ulit ang iyong makikita — nagbabadya ng maaliwalas at positibong bagong araw sa relasyon ninyong mag-asawa. Mga Dapat Gawin
1. Wala namang buhay sa mundong ito na walang problema. Tulad ng mag-asawa, kung minsan ay hindi maiiwasan na dumaraan sa mga suliranin at mabibigat na pagsubok ang relasyon upang sa sandaling malampasan nila ang mabibigat na pagsubok na ito, magkakaroon ng maturity sa kanilang pagkatao na magiging daan upang muli silang magkasundo at magmahalan habambuhay.
2. Ayon sa iyong mga datos, Katlyn, nakatakda nang maganap ang muling pagkakasundo ninyong mag-asawa ngayong Pebrero, 2020, magiging okey sa alright na ulit ang inyong relasyon upang muling mabuo ang maligayang pamilya habambuhay (Drawing A. at B. h-h arrow b. at 1-M arrow a.).




Comments