Panic buying ng face mask, ‘wag namang OA!
- BULGAR

- Feb 2, 2020
- 1 min read
Nagkakaubusan na ng face masks at hindi rin maitatangging may ilang inaabuso ang pagkakataon para kumita — hoarding, overpricing etc..
Gayunman, sa halip na makipag-agawan o pikit-matang bumili ng may kamahalang masks, bakit hindi tayo gumawa ng ibang paraan?
Hinihikayat ang publiko na samantalahin ang kakulangan ng mga face mask para gumawa ng mga mask na gawa sa tela. Makatutulong na sa nararanasang shortage, puwede pang kumita nang hindi nanlalamang ng kapwa.
Isa pang maitutulong sa paggawa ng face mask na yari sa tela ay mababawasan ang panic.
May ilang lugar na sinasabing nagkakagulo na ang mga tao sa kahahanap ng mabibiling mask. ‘Yung iba ay nag-aaway-away na puwedeng mauwi sa sakitan. Tipong hindi nga napahamak sa coronavirus, nadale naman sa gulo dahil sa face mask.
Nais lang sana nating bigyang-diin na huwag mag-panic buying, partikular ng mga surgical face mask at N95 mask. Hangga’t maaari ay hayaan na nating mapunta ito sa mga health worker na direktang nangangalaga sa mga pasyente o sa iba na may mas mataas na posibilidad na mahawa sa sakit.
Mahirap pilitin kung wala pa talagang supply sa ngayon, kaya sa mga alternatibong paraan muna tayo.
Samantala, bukod sa pagtatakip ng ilong at bibig, ugaliin din ang paghuhugas ng mga kamay at pananatili ng proper hygiene upang makaiwas hindi lamang sa coronavirus kundi maging sa iba pang mga sakit.
Muli, kalma lang, malalampasan din natin ito.





Comments