Watanabe coach, tiwala sa Judoka para sa Olympic slot
- Gerard Arce
- Feb 1, 2020
- 1 min read

Kumpiyansa si Philippine Judo Federation (PJF) president David Carter na madaragdagan pa ang bilang ng kanilang qualified national athlete sa darating na 2020 Summer Olympics simula Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo, Japan.
Ayon kay Carter, malaki ang tiwala nito na makukuha ni 4-time Southeast Asian Games gold medalist Kiyomi Watanabe ang direktang qualifying posisyon sa Olympics upang maihandog sa iba pang Pinoy Judoka ang Continental Quota.
Ito ay dahil magkakaroon pa umano ng pagbabago sa magiging posisyon ni Watanabe pagdating sa Olympic ranking dahil isang bansa lamang ang mabibigyan ng puwesto sa women’s under-63kgs category. Makaka-abanse pa umano ang 2018 Jakarta-Palembang Asian Games silver medalist na kasalukuyang nasa 27th rank, ayon kay Carter.
Idinagdag pa ng National Judo chief na maaaring mapili si 30th SEAG men’s under-73kgs category bronze medalist Keisei Nakano para mabiyayaan ng Continental Quota para sa Asian level.
“Tingin ko malaki pa ang tsansa na madagdagan pa tayo ng entry sa Tokyo, with Kiyomi able to get a direct qualifying, we see another athlete to participate in the Olympics,” pahayag ni Carter sa panayam ng BULGAR sa isang pagtitipon.





Comments