Dapat gawin ng isinilang sa Year of The Rat para hindi maubos ang datung na mag-uumapaw ngayong 2020
- Maestro Honorio Ong
- Feb 1, 2020
- 3 min read

Ituloy natin ang pagtalakay sa inyong kapalaran ngayong 2020 na ayon sa Chinese Astrology ay taon ng animal sign na Rat.
Tinatayang ganito ang mangyayaring kapalaran ng mga indibidwal na naiimpluwensiyahan ng animal sign na Rat, partikular silang mga isinilang sa mga taong 1912, 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020.
Tandaan na ang Year of the Rat ngayong 2020 ay magsisimulang umiral sa eksaktong petsang January 25, kaya ngayon, umiiral na ang impluwensiya ng Rat hindi lamang sa ating kapaligiran kundi sa kapalaran ng lahat ng indibidwal.
Maraming pagbabago at magagandang pangyayari ang tiyak na magaganap sa Rat ngayong taon. Sa dinami-rami ng pagbabagong magaganap, tiyak na mas marami rito ay magdudulot sa iyo ng kakaibang suwerte at magagandang kapalaran.
Sinasabing kung patuloy na magpupumilit at gagamitin ang likas na mapang-akit na personalidad, maraming suwerte at magagandang kapalarang mapipitas ang Rat ngayong taong ito ng 2020 sa halamanan ng kapalarang patuloy na namumulaklak sa iyong paligid.
Alalahanin din na ang Rat ay napakahusay makipagkaibigan, kaya paniguradong ngayong 2020, maaring magamit mo nang husto ang iyong mga kaibigan na dati mo nang napakikinabangan. Ngunit, may babala rin na kung hindi mag-iingat o iiwas, ang mga dating kaibigan mo na nanloko, gumantso o nanraket na sa iyo dahil maawain ka at likas ang iyong kabaitan, malamang na mauto at mapaglamangan ka na naman ng mga dati mong kaibigang ito.
Tulad ng nasabi na, ngayong 2020, mag-ingat kang mabuti sa mga taong malalapit sa iyo kunwari, pero ang totoo ay nagbabalak lang ito na lokohin ka o utangan at pagkatapos ay wala nang bayaran.
Samantala, ang sikreto upang patuloy na lumigaya at magtagumpay ang Rat ngayong taon ay tanggapin mo nang maluwag sa iyong kalooban ang mga pangyayaring darating — maging positibo o negatibo man itong pangyayari dahil sa bandang huli, kapag marunong kang tumanggap at magpasalamat sa anumang nagaganap sa iyong buhay, sa dakong huli, napakaraming suwerte at magagandang karanasan ang isa-isa at walang ubos mong pupulutin sa kalsada ang sobrang buwenas mong kapalaran.
Sa career at aspetong pananalapi, sinasabing priority lang ang dapat trabahuhin at hindi kailangang pagsabay-sabayin ang mga proyektong iyong maiisip na gawin ngayong 2020. Kapag pinagsabay-sabay mo ang maraming ideya na laman ng iyong isipan, tiyak na mabibigo ka lamang o hindi masyadong magiging masarap ang bunga ng iyong tagumpay. Sa halip, ang dapat ay paisa-isang diskarte lang muna. Kapag ganyan ka, mas maraming biyaya at katuparan ng iyong mga pangarap ang iyong matatanggap ngayong taon.
Maraming oportunidad ng pagkakaperahan ang siguradong darating. Kasabay ng magagandang oportunidad na ito ay siksik-liglig na bulto ng mga salapi ang mag-uunahang papasok sa iyong kabang-yaman.
Gayundin, may babala na naman, agad-agad na mauubos ang mga salaping matatanggap mo at mapupunta sa iyong bulsa kung paiiralin mo na naman ang dati mo nang mga pagkakamali at ang dati mo nang ugali na “overspending”. Kaya ano talaga ang dapat mong gawin ngayong taong ito ng 2020 upang patuloy kang sumagana at lumigaya?
Simple lang, dapat ngayong Year of Metal Rat, gumamit ka ng taguan ng pera na yari sa bakal, sa silver o stainless at puwede ring yari sa tanso. Kapag napapansin mong dumarami ang iyong income at napansin mong nadodoble ang iyong kinikita, ilagay mo rito ang 50% ng mga salaping patuloy na ibinibigay sa iyo ng tadhana upang sa ayaw at sa gusto mo, kapag natuto kang mag-ipon, bibilis ang iyong pag-asenso hanggang sa hindi mo na namamalayang ngayong taong ito ng 2020, ibinibiyahe ka na pala ng kapalaran mo sa maaliwalas, patag at suwabeng daan patungo sa pagyaman.
(Itutuloy)




Comments