Isinilang sa Year of The Rat, mahiyain pero todo-bigay sa sex
- Maestro Honorio Ong
- Jan 30, 2020
- 3 min read

Ituloy natin ang pagtalakay ng inyong kapalaran ngayong 2020 na ayon sa Chinese Astrology ay taon ng animal sign na Rat.
Tinatayang ganito ang mangyayari sa kapalaran ng mga indibidwal na naiimpluwensiyahan ng animal sign na Rat, partikular silang mga isinilang sa mga taong 1912, 1924, 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020.
Sa propesyon, sinasabing ang Rat ay lalong magiging matagumpay at maligaya ngayong 2020 kung siya ay negosyante, manunulat, teacher, historian at “troubleshooter”— kung may problema ang kumpanya o personal niyang mga kaibigan, madali siyang nakatutulong o nakatutugon dahil mahusay siyang umisip ng unique, pero epektibong paraan upang malutas ang anumang problema.
Dagdag pa rito, sa panahon ng krisis, maaasahan din ang Rat dahil sa panahong mas mahirap isipin at solusyunan ang mga suliranin, lalong lalabas ang husay ng Rat sa pagdedesisyon.
Kaya naman ang Rat ay sinasabing magiging mahusay ding manager o CEO dahil may kakayahan din siyang pamahalaan ang maraming tao o kaya rin niyang patakbuhin nang may malaking kikitain ang opisina o malaking kumpanya.
Sa pag-ibig, tahimik at reserved ang Rat at sa maraming pagkakataon, nahihirapan siyang ihayag nang direkta ang kanyang nararamdaman kaya kadalasan, ang mga Rat ay medyo nale-late ang pag-aasawa at kung minsan ay hindi rin nito gaanong nalalasahan ang masarap at nakababaliw na karanasan sa panahong sobrang nai-in love ang tao. Ibig sabihin, bihira o sadyang iniiwasan ng Rat na siya ay mahulog nang lubos sa pagkabaliw na dulot ng dalisay at tunay na pag-ibig.
Pero ang nakagugulat, kapag nahuli na ang kiliti ng Rat, todo-bigay na bigay siya kung saan kunwari pang nahihiya, pero sarap na sarap naman pagdating sa matamis na lasa ng pag-ibig at masarap na pakiramdam ng romansa.
Dahil dito, sinasabing sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha, isa ang Rat sa masarap makapareha sa love making at anumang karanasang may kaugnayan sa sex at lambingan.
Kung ang Rat ay kapamilya mo o matalik na kaibigan, lumalabas ang kanyang pagiging natural kaya masaya siyang kasama, pero sa pag-ibig o pakikipagrelasyon, minsan talaga ay hindi natin maiaalis, pilit na itinatago ng Rat ang kanyang tunay na nadarama.
Kaya naman kung hindi mo kabisado ang asawa, girlfriend o boyfriend mong Rat, mapagkakamalan mo siyang kung sa lambing, malamig at minsan ay may pagkasumpungin at ang totoo pa nito, minsan, ang Rat ay sadyang mahirap unawain.
Dahil dito, mahilig siyang magtago ng kanyang emosyon, lalo na sa kanyang asawa o karelasyon kaya hindi nagiging tunay na masaya ang Rat sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Kaya kung ikaw ang asawa o karelasyon ng Rat, dapat nagtataglay ka ng malawak na isipan upang unawain mo ang malalim na pagkatao niya at siyempre, dapat ding malaki ang iyong puso at pagmamahal upang sa kabila ng itinatago at magulong damdamin ng Rat ay patuloy mo siyang aalagaan at lalo pang mamahalin.
Tugma at compatible naman sa Rat ang napakasipag at seryosong Ox, gayundin, puwedeng-puwede sa Rat ang matapat at medyo tamad na Dragon. Ang may pagkatuso, matalino at materyosong Snake ay tugma rin sa Rat.
Natutuwa naman ang Rat sa maharot at mapagpatawang Monkey. Tugma rin sa Rat ang matapang, pero pabagu-bago ng isip na Tiger.
Ang malambing at masarap magmahal na Pig at ang kapwa niya Rat na palaging nag-iisip ng kung anu-ano at mahilig magpayaman ay tugmang-tugma rin sa ambisyoso at materyosong Rat.
(Itutuloy)




Comments