top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Efren ‘Bata’ Reyes, 65, Lifetime Achievement Awardee sa PSA

VA
Jan 29, 2020
2 min read

Sa kanyang edad na 65, maaaring nawala na ang nagpatanyag sa kanyang mahika sa kanyang laro, ngunit, nananatili pa rin ang respeto, paghanga at pagtingala sa kanya bilang idolo ng marami partikular ng mga tagahanga at ng mga tumatangkilik sa larong bilyar.

Pinatunayan ito ni Efren ‘Bata’ Reyes sa nakaraang 30th Southeast Asian Games kung saan dinudumog pa rin siya ng maraming fans kahit ng mga kapwa atleta mula sa ibang bansa para lamang makapagpakuha ng larawan kasama niya.

Bagamat nagwagi lang ng bronze medal sa men’s carom (1 cushion) sa nakaraang biennial meet, nagsilbi pa rin siyang inspirasyon sa national billiards and snooker team ng bansa na nagwagi ng 12 medalya kabilang na ang 4 gold. Bagamat, bigong magwagi ng gold medal sa SEA Games kung saan limang beses siyang nag-uwi ng bronze lahat sa men’s carom, hindi matatawaran ang napakaraming karangalang inuwi ni Reyes para sa bayan mula sa pagbibilyar kung saan siya kinilala sa buong mundo bilang greatest player of all-time.

Kaya bilang pagpupugay sa kanyang mga nagawa, nakatakdang igawad kay Reyes ang Lifetime Achievement Award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa darating na SMC-PSA Awards Nights sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Bukod sa parangal na igagawad sa kanya, magsisilbi ding special guest speaker sa okasyon na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA) at Rain or Shine si Bata. Si Reyes ang ikalawang sunod na atletang magsisilbing panauhing tagapagsalita sa event pagkatapos ng dating Olympian na si Bea Lucero noong isang taon. Tatlong beses na ring pinarangalan si Reyes ng PSA bilang Athlete of the Year noong 1999, 2001 at 2006.

Naging hands down choice naman siya para sa Lifetime Achievement award, dahil na rin sa mga karangalang nakamit niya mula rito sa bansa hanggang sa iba’t-ibang panig ng daigdig kabilang na ang pagiging world 8-ball at world 9-ball champion; unang non-American na nagkampeon sa US Open 9-Ball Championship; inaugural champion ng World Cup of Pool katuwang ang kaibigang si Francisco ‘Django’ Bustamante, winningest player sa kasaysayan ng Annual Derby City Classic kung saan sya nagwagi ng limang titulo at biggest winner sa kasaysayan ng pocket billiards matapos magwagi sa IPT World Open 8-Ball Championship ng $500,000.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page