Ayaw daw sumakay sa gimik para sa serye… Jeric, todo-deny na GF si Sheryl

Diretsahang itinanggi ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales ang tsismis na nagkakamabutihan sila ni Sheryl Cruz na kasama niya sa afternoon soap na Magkaagaw.
Kahit na sabihin pa na binata naman siya at walang sabit at single lady din naman si Sheryl, ayaw ni Jeric na iligaw at dayain ang publiko.
Kung anuman ang nakikita ng mga viewers sa mga eksena nila ni Sheryl sa Magkaagaw, ‘yun ay bahagi lang ng role na kanilang ginagampanan. Hindi naman isyu kahit na malaki ang agwat sa kanya ng edad ni Sheryl. Pupuwede naman daw siyang magmahal ng babaeng mas may-edad sa kanya.
Kung ang ibang aktor ay gustung-gusto na nali-link sa mas malaking artista upang mapag-usapan lang at umangat ang career, si Jeric, ayaw na ayaw sumakay sa gimmick para mai-promote lang ang Magkaagaw.
Alam niyang tatangkilikin ang kanilang serye dahil may laman ang istorya nito at pawang magagaling ang cast tulad nina Sunshine Dizon, Sheryl Cruz, Klea Pineda, atbp..
Consistent din na mataas ang rating ng Magkaagaw at pinapanood araw-araw, Lunes hanggang Biyernes.
Habang nagtatagal sa showbiz, mas mature at challenging roles ang ibinibigay ng GMA-7 kay Jeric.





Comments