top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Survivors ng Dengvaxia vaccine, binigyan ng tulong-medikal ng PAO

  • Daing Mula sa Hukay
  • Jan 24, 2020
  • 3 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Kasabay ng pagputok ng Bulkang Taal, patuloy ang panalangin ng mga taga-Public Attorney’s Office (PAO) na walang buhay ng tao na mawala. Salamat sa Maykapal at ligtas ang mga tao bagama’t, ang kanilang mga tahanan, ari-arian, halamanan at taniman ay napinsala.

Patungo sana sa Batangas noong Huwebes, Enero 16, 2020 ang PAO Forensic Team (PAOFT), ang mga doktor at nurse. Kasama rin nila dapat ang PAO legal team upang magbigay ng legal counseling at tulong sa paggawa ng affidavit of loss sa mga nawalan ng dokumento at papeles na kailangang mapasakanilang muli.

Ngunit, may nag-abiso na marami na at dagsa-dagsa na ang relief goods, doktor at tulong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, mula gobyerno hanggang sa pribado.

Bago pumutok ang Bulkang Taal, nagpasya na ang PAOFT na kalingain ang mga survivors sa mga biktima ng Dengvaxia vaccine sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong-medikal.

Ang naturang survivors, bagama’t, pinalad sila na patuloy pa ring mabuhay hanggang ngayon, sila ay patuloy ding nakikipaglaban sa kamandag ng Dengvaxia, sa side-effects nito na idineklara mismo ng Sanofi 6 ang four (4) serious adverse effects (anaphy-lactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), sa submission for authorization nito sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Ang nabanggit na apat na “serious adverse effects” ay naging common pattern sa mga biktima, lalo na sa mga pumanaw.

Nagsimula noong Enero 15, 16 at 17, 2020, upang patuloy na masunod ng PAO ang kautusan ng Department of Justice (DOJ) noong December 12, 2017 na tulungan ang mga namatayan, injured, naospital at may sakit, nagdaos ng Legal, medical at optical mission sa opisina mismo ng Central Office ng PAO.

Namahagi ang PAO ng libreng serbisyo ng mga doktor, nurses at optometrist, gayundin, ang relief goods.

Higit sa pagsunod sa order ng DOJ (Department Order No. 792, Series of 2017), isinagawa ang nasabing aktibidad upang maiparamdam sa beneficiaries ng mga biktima ng Dengvaxia na kinakalinga at minamahal sila ng pamahalaang Duterte at ng PAO. Sa loob ng tatlong (3) araw na ‘yun, ipinamahagi ng PAO ang sari-saring vitamins, salamin sa mata (prescribed ng optometrist), gamot sa lagnat, ubo, trangkaso at maging mga gamot para palakasin ang internal organs, buong katawan at resistensiya ng mga biktima.

Gayundin, upang sila ay ma-monitor at makalinga ng mga doktor na kabilang sa plantilla ng PAO na sina Dr. Angelo Alexis L. Sulit, Dr. John King C. Soliman, Dr. Dale Marc F. Espenida at designated director ng PAO Forensic Laboratory Division (PAOFLD) na si Atty. Erwin P. Erfe, M.D.

Mababakas ang lungkot sa mga mata ng mga magulang at batang binakunahan ng Dengvaxia, subalit, may isang ngiti sa bawat pagpapaalam na may kaakibat na pagpapasalamat. Damang-dama nila ang pagmamahal ng PAO, na sa anumang oras ay kaagapay nila sa sandali ng pangangailangang legal na tinutugunan ng mga PAO lawyer at maging sa pangangailangang medikal na tinutugunan naman ng PAO Forensic Team.

Hindi naging hadlang ang paglalagay ng limitasyon sa budget ng PAO sa General Appropriations Act 2020 para magampanan ang makatao at makatarungang programang ito sapagkat may mga tao na may ginintuang puso na puspusang tumutulong sa PAO para maisagawa at magtagumpay ang adbokasiyang ito.

Saanman naroroon ngayon ang mga namatay na biktima ng Dengvaxia, damang-dama namin sila sa PAO at maging ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), sa pangunguna ni Gng. Annie Gabito sa patuloy na paggabay ng mga opisyal ng VACC, ganundin ng Samahan ng Magulang, Anak ay Binakunahan ng Dengvaxia (SMABD) sa pangunguna ni Gng. Sumachen Dominguez.

Nararamdaman ng buong team ang kilabot sa kanilang buong katawan sa bawat pagdating ng mga bata na patuloy na lumalaban at pilit na pinalalakas ang katawan upang labanan ang side- effects ng Dengvaxia. Sa bawat ngiti ng mga batang ito, nararamdaman din namin ang saya ng mga namatay, bagama’t, sila ay mga biktima at hindi na makababalik sa piling ng kanilang pamilya.

Nararamdaman naming kasama namin sila saanman kami naroroon upang maging malakas ang loob namin na tiisin ang mga pag-uusig at pangungutya ng ilang hanggang ngayon ay hindi matanggap ang kanilang pagkakamali.

Sa pagsapit ng bawat gabi sa aking balintataw, naroon pa rin ang panaghoy at daing na nagmumula sa mapanglaw na hukay at libingan ng mga bata na hanggang ngayon ay mailap ang katarungan. (Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page