Para umabot sa Valentine’s Day... Tips para lalong tumatag ang relasyon
- Twincle Esquierdo
- Jan 22, 2020
- 3 min read

Napakalaki ng impact sa tao kapag binigyan siya ng regalo sa Araw ng mga Puso dahil pakiramdam niya ay napaka-special niya sa taong nagbigay sa kanya nito. Hindi maitago ang mga tuwa at ngiti dahil nag-uumapaw sa kagalakan ang kanyang puso na minsan ay dahilan pa ng kanilang pagluha at isa ito sa mga nagpapatatag sa isang relasyon.
Gayunman, marami pang paraan para mas maging matatag ang inyong relasyon. Anu-ano ang mga ito?
1. KOMUNIKASYON. Ang pakikipag-usap ang pinakaimportante sa lahat dahil sa komunikasyon nag-umpisang mabuo ang inyong pagmamahalan. Gayunman, hangga’t maaari ay ipagpatuloy ito at mag-update sa inyong partner. Makatutulong din ang pagsasabi ng ‘I love you’ pagkatapos ng inyong usapan.
2. ALAMIN ANG PAGKAKAIBA NG BAWAT ISA. Alam naman natin na hindi tayo pare-pareho, lahat tayo ay unique at maraming pagkakaiba. Gayunman, tandaan natin na dahil sa pagkakaiba ng tao, madalas ito ang dahilan kung bakit hindi natin nauunawaan ang bawat isa. May kani-kanya tayong opinyon, paniniwala at gusto, kaya naman isa ito sa mga paraan para mas maunawaan n'yo ang bawat isa.
3. RESPETO. Kasabay ng pagmamahal at tiwala ang respeto. Isa ito sa mga ibinibigay sa iyong karelasyon o asawa. Tulad ng pagrespeto sa kanyang desisyon o mga plano sa buhay. Tandaan, hindi porke magkarelasyon kayo ay wala na kayong kani-kanyang buhay.
4. TIWALA. Kaakibat ng tiwala ang pagmamahal dahil dito makikita kung mahal mo ang partner mo, lalo na kung meron kang tiwala sa kanya. Makikita rin dito ang iyong pagiging tapat sa iyong partner. Gayundin, dapat panatilihin ang pagiging tapat sa pakikipag-usap, lalo na kung hindi kayo madalas magkasama.
5. MAKINIG SA OPINYON. Pakinggan ang bawat opinyon, plano o gusto ng iyong partner dahil ang pakikinig sa kanya ay paraan para maunawaan mo kung ano ang kanyang gusto at anuman ito ay puwede mo ring dagdagan upang makatulong sa kanya.
6. SUPORTA. Kung may gusto siyang gawin at alam mong ikasasaya niya, ‘wag mo itong hadlangan para hindi magdulot ng masamang epekto o ikasira ng inyong relasyon. Para sa mga babae, suportahan n’yo ang BF o asawa n'yo sa mga hilig niya tulad ng paglalaro ng basketball, computer at paggala kasama ang mga barkada dahil hindi ka naman niya niligawan o pinakasalan para may humadlang o magkontrol sa buhay niya. Sa mga lalaki naman, suportahan n'yo ang inyong karelasyon kung pupunta sa salon o spa, magsa-shopping at ‘wag pigilan kung gustong makipagkita sa mga kaibigan.
7. GIVE AND TAKE. Ang bawat effort na ginagawa ng partner mo para sa iyo ay paraan din upang mas maging matatag at masaya ang inyong relasyon. Halimbawa, ang pagsasabi ng “thank you” at appreciation ay sapat na. Dahil sa relasyon, hindi palaging tatanggap o magbibigay ka lang, kailangan ay balanse para hindi kayo magkaroon ng away o hindi pagkakaunawaan na puwedeng humantong sa hiwalayan.
8. HUWAG MATUTULOG NANG HINDI NAGKAKAAYOS. Ayon sa mga eksperto, kapag natulog ang mag-asawa o magkarelasyon nang hindi nagkakaayos o pinatatagal ang problema, lalala o lalaki ito, dahilan din ng kawalan ng pagmamahal at pagbabalewala sa isa’t isa. Kahit sa mga simpleng away o tampuhan, dapat ay pinag-uusapan agad at huwag hayaang ito ay lumipas lang.
Ayan, para sa mga taong nagmamahal, gawin n'yo ang mga nabanggit para mas maging malalim ang relasyon n'yo. Ang pagbibigay ng tiwala, pagpapahalaga, papuri at suporta sa isa’t isa ay hindi nakakapagod, bagkus, ito ay nakapagbibigay ng saya at nakapagpapatatag ng inyong relasyon at pagmamahalan. Copy?




Comments