Mantila, kampeon sa APM Mindanao kiddier chess
- Eddie M. Paez, Jr.
- Jan 22, 2020
- 1 min read

Nagparamdam ng kanyang pagsibol ang paslit na woodpusher na si Caerel Shane Mantilla matapos siyang sumulong tungo sa korona ng APM Mindanao Chessmates Kiddies Chess Tournament sa palaruan ng Damosa Market Basket sa Lanang, Davao bitbit ang walang mantsang kartada sa dulo ng limang rounds ng bakbakan.
Ginamit ni Mantilla, may rating na 1765, ang kanyang kinang sa pagiging pre-tournament favorite upang walisin ang hamon nina Yreil Josh Hernani (round 1), Andrei Lance Lao (round 2), Jim Briken Diabakid (round 3), Kyle Johann Ylanan (round 4) at Shiela Mae Hernando sa huling yugto. Ito ang naging susi para naiposte niya ang mataas na 2228 performance rating sa paligsahan.
Nakabalikwas sa pagkatalo noong Round 1 ang 6th seed na si Hernani sa tulong ng apat na magkakasunod na panalo at mas mataas na tiebreak points para makuha ang runner-up honors sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP) - rated na bakbakan.
Samantala, nanggulat ang 11th ranked na si Princess Dianna Simbajon para maagaw ang huling upuan sa podium nang magsuko ito ng apat ding puntos sa kompetisyong inorganisa ng APM Chessmates.
Sa juniors division, ang topseed din ang tumangay ng korona nang makakolekta si Gino Angelo Asuncion ng halos walang dungis na rekord na apat at kalahating puntos. Sumunod din sa anunsiyo ng mga eksperto ang second ranked na si Wesley Jovan Magbanua sa tulong ng kanyang natipong apat na puntos nang pumangalawa ito habang si Neil Sebastian Enoc ang napagkalooban ng pangatlong posisyon sa paligsahang ginamitan ng 55 minuto at 5 segundong panuntunan sa orasan.
Tiebreak points ang naghiwalay kina Magbanua at Enoc dahil kapwa sila may apat na puntos.





Comments