Hallasgo, mas bumilis kay Tabal; Zabala, bagong hari
- A. Servinio
- Jan 20, 2020
- 3 min read

Photo: foxsportsph
Tarlac city – May bagong reyna ang MILO Marathon sa katauhan ni Christine Hallasgo. Umoras ang tubong Bukidnon ng 2:52:23 para sa kanyang pinakamabilis na 42.195 kilometro at wakasan ang anim na sunod na korona ni Mary Joy Tabal na pumangalawa sa oras na 2:58:49.
Makapigil-hininga din ang pagtapos ng karera ng kalalakihan kung saan nanatiling MILO King si Jerald Zabala ng Cagayan de Oro City matapos talunin ng isang segundo lamang ang kapwa pambansang atleta na si Richard Salano. Si Zabala ang pumalit sa nasirang si Rafael Poliquit noong nakaraang Abril at umoras ng 2:31:16 kumpara sa 2:31:17 ni Salano habang segundo rin ang agwat sa pumangatlo na si Jeson Agravante na naging MILO King noong 2016 sa Iloilo.
Matatandaan ang matinding karera nina Hallasgo at Tabal sa 30th Southeast Asian Games kung saan inuwi ni Hallasgo ang ginto at hinimatay si Tabal pagkatapos pero sa kanya pa rin ang pilak. Dahil sa panalo sa MILO, pinatahimik ni Hallasgo ang mga nagsasabing tsamba lang ang panalo niya noong mainit na araw ng Disyembre 6 sa New Clark City sa bayan ng Capas.
“Pinaghirapan ko talaga ito at nagtrabaho ako ng husto kaya umuwi ako ng Bukidnon pagkatapos ng SEA Games at nag-ensayo doon ng isang buwan,” kwento ni Hallasgo habang pinipigil ang kanyang emosyon. Ayon sa kanya, hindi siya nahirapan sa maahon na ruta dahil hindi ito naiiba sa Bukidnon at nakatulong ng malaki ang maganda at malamig na panahon.
Bahagi rin ng estratehiya ni Hallasgo ay kumuha ng pacer mula sa mga kapwa kalahok subalit noong pabalik na ang pulutong ng Tarlac City Hall galing bayan ng San Jose ay pinaligiran si Hallasgo ng ilan pang mga kalalakihan na nag-alay ng tulong. “Maraming salamat sa kanila, malaking bagay at tinulak nila ako para lalong bilisan,” wika ni Hallasgo.
Para kay Zabala, inamin niya na idolo niya ang kaniyang coach na si Eduardo “Vertek” Buenavista at gusto niya tuluran o higitan pa ang naabot ng alamat na nagmamay-ari ng limang korona ng MILO King. Isa rito ang posibilidad na lumahok si Zabala at pati na rin si Hallasgo sa darating ng 2020 Tokyo Olympics sa Hulyo.
“The achievement of our national athletes Jerald and Christine is a validation of our program,” dagdag ni Coach Edward Kho ng PATAFA. Ayon sa kanya, maghahanap ng karera na maaring lahukan ng dalawang kampeon upang makita kung maabot nila ang takdang oras na 2:11:30 para sa lalake at 2:29:30 para sa babae.
Maliban sa tagumpay nila sa local category, pumangalawa si Hallasgo kay Margaret Njugana ng Kenya (2:51:48) sa Open Category at pangatlo si Tabal habang ang dating MILO Queen Christabel Martes ang pangatlo sa local sa oras na 3:05:40. Winalis ng Kenya ang Men’s Open sa likod nina Stephen Muranbi (2:27:18), Jackson Chirchir (2:28:38) at Leonard Kemboi (2:28:57).
Itinanghal na kampeon sa side events sina Mark Anthony Oximar at Nhea Ann Barcena sa 21 kilometro, James Darrel Orduna at Merry Joy Trupa sa 10 kilometro at Jerry Vasquez at Samantha Llesis sa limang kilometro. Wagi sina Darell Johnson Bada at Wella Mae Coronado sa tatlong kilometro para sa mga kabataan edad pito hanggang 12 anyos.
Malugod na ibinalita ni Race Director Coach Rio dela Cruz na nalampasan nila ang inaasam na 13,000 mananakbo at pinagsamang 14,764 ang dumating para sa 42, 21, 10, lima at tatlong kilometro. Sa Marathon, 440 mula sa mahigit 900 na nakapasa sa mga qualifier ang lumahok.
a“Ang Tarlac ay laging nabibilang sa mga mahusay na punong abala sa paglipas ng mga taon kasama ng tulong ng pamahalaang lungsod kaya hindi kami nag-dalawang isip na idaos sa kanila ang 2019 National Finals,” wika ni Coach Rio. Ang 2019 MILO Marathon National Finals ay naging bahagi rin ng taunang Kaisa Festival ng lungsod.





Comments