Walang V-Day celebration… Jennylyn, takot magkasakit, ayaw makipag-date kay Dennis

Sunud-sunod ang engagement among celebrities lately at latest nga ay si Alex Gonzaga na engaged na rin sa boyfriend niyang si Mikee Morada.
Kaya naman isa ito sa mga naitanong kay Jennylyn Mercado ng entertainment press na bumisita sa cast pictorial ng Descendants of the Sun last Friday.
Pero ayon kay Jen ay wala pa sa plano nila ng BF na si Dennis Trillo dahil ang mga commitments muna niya sa GMA-7 ang priority niya at siyempre, ang kanyang kaisa-isang anak na si Alex Jazz.
“Hindi pa puwede. Ayoko munang pag-usapan. Tapusin ko muna ‘yung commitments ko,” ani Jen.
Biniro nga namin ang aktres na baka naman ‘yun ang pasabog sa CoLove Live concert nila sa Feb. 15 at sagot naman niya, hindi pa raw talaga puwede lalo’t kapipirma lang niya ng bagong kontrata sa GMA-7. Siyempre, work muna ang priority sa ngayon at ang kanyang anak na si Jazz.
Excited na nga si Jen dahil bukod sa DOTS na malapit nang umere’t talagang napakarami nang nag-aabang ay may concert pa siya na matagal-tagal na rin niyang hindi nagagawa.
Si Jen ang gumaganap na Dra. Maxine dela Cruz/Beauty sa DOTS habang ang leading man naman niyang si Dingdong Dantes ang gumaganap na Capt. Lucas Manalo/Big Boss.
Matatandaang naging sobrang pa-suspense kung sino ang gaganap ng kanyang role originally portrayed by South Korean actress, Song Hye Kyo.
Nagte-taping na ang halos lahat ng cast pero hindi pa ina-announce ang female lead.
‘Yun pala ay hinintay talaga ng production team si Jen na noo’y hindi pa kasi tapos sa seryeng Love You Two.
“Nagte-taping ako ng Love You Two, nagsu-shooting ako ng pelikula (with Coco Martin), nagte-taping ako ng StarStruck. Ang pelikula, 3 times a week.
Ang Love You Two, three times a week. Tapos, ‘yung hosting ko ng StarStruck, once a week. So, 7 days akong nagtatrabaho,” paliwanag ni Jen kung bakit hindi agad siya nakapag-taping sa DOTS.
Pero sobrang thankful naman ni Jen na talagang hinintay siya ng produksiyon.
“Grateful ako, kasi ‘di ba, kahit ang tagal na nilang naghihintay, napagtiyagaan pa rin ako?” sey niya.
At dahil nga nalalapit na ang Valentine’s Day ay tinanong namin si Jen kung saan nila ito ise-celebrate ni Dennis.
“Wala, rehearsal (para sa CoLove Live concert), ayokong lumabas kasi baka magkasakit ako. Natatakot ako, eh. Tapos, pagdating sa concert, bigla akong may virus, hindi ako makakanta, may ubo, sipon. Mabuting sa buong February ay kalma lang.”
Pati nga raw diet niya ay sobrang bantay din at puro healthy food lang ang kinakain niya. Mahirap na raw magkasakit ngayon since papalapit na ang concert nila na gaganapin sa New Frontier Theater.
To be announced pa ang date of airing ng DOTS pero ang alam namin ay ngayong Pebrero na ito.





Comments