Gobyerno, palaging naiisahan, pinagtatawanan na lang ng mga kriminal
- Editoryal
- Jan 18, 2020
- 2 min read
Habang nakatutok ang gobyerno at publiko sa sitwasyon sa Batangas at iba pang lugar na apektado sa pagsabog ng Bulkang Taal, patuloy naman ang kawalanghiyaan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Kamakalawa ay nagkasa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Reception and Diagnostic Center (RDC) kung saan isa-isang hinalughog ang mga selda.
Sa RDC ipinapasok ang mga bagong salta sa Bilibid o silang mga kagagaling lang sa mga city jail. Mananatili sila rito ng 60 araw para dumaan sa assessment bago ihalo sa iba pang mga nakakulong sa maximum, medium o minimum security compound.
Sa nasabing paggalugad, buking ang mga ilegal na droga na itinago sa kahon ng posporo, mga improvised na patalim, pera at iba pang kontrabando.
Ano ba ang aasahan natin sa magiging istayl ng mga ‘yan kung lantad naman sa lahat na kahit sa pinakamahigpit kuno na selda sa Bilibid ay nakalulusot pa rin ang mga ilegal na bagay na tila ‘yan na mismo ang kalakaran?
Tulad n’yan, nagkaalaman na kung sino ang mga pasaway na bagong salta at alam na kung saan sila dapat ilagay na selda, pero ang tanong, paano makasisiguro ang mga awtoridad na hindi na sila uulit, eh, baka mapabilang
lang sila sa bataan ng mga bigtime na inmates?
Kung talagang seryoso tayong linisin ang lahat ng bilangguan sa bansa, simulan natin sa mga itinuturing na ‘hari’ sa loob. Kung tunay na madidisiplina at mapagbabago ang mga ‘yan, tiyak na wala nang preso na maglalakas-loob na magpasaway.
Hindi maitatangging hanggang ngayon ay napakalaking hamon pa rin ang kalagayan sa mga bilangguan. Mukhang kailangan na ng bago at mas epektibong paraan dahil paulit-ulit na lang ang senaryo at tila pinagtatawanan na lang ng mga kriminal ang batas at ang gobyerno.





Comments