Sinampal ng ka-live-in at ng kabit na nahuli sa akto, sign na boring ang love life
Salaminin natin ang panaginip ni Jennifer ng Jennifer_Sionama@facebook.com
Dear Professor, Gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip. May naging third party sa relasyon namin ng live-in partner ko. Pag-akyat ko ng hagdan, nahuli ko sila na magkayakap. Sinampal ko ‘yung live-in partner ko at pinaghahampas ko siya. Tapos, bigla rin niya akong sinampal sa magkabilang pisngi, gayundin, pinasampal niya ako ru’n sa babaeng kasama niya at sabi niya, sumosobra na ako. Pagkatapos nu’n, nahulog ako sa hagdan. Meron ba itong kahulugan? Minsan lang kasi akong managinip. Maraming salamat!
Naghihintay, Jennifer
Sa iyo Jennifer, Alam mo, hindi maganda sa tao ang walang drama at aksiyon sa buhay kaya punumpuno ng drama at aksiyon ang iyong panaginip. Sa biglang tingin, talo pa nito ang eksena sa mga pelikula at TV shows.
Gayundin, ang mga panaginip ay naglalaman ng mga kailangan ng tao, ito ang sinasabi ng lahat ng eksperto sa dream analysis.
Kaya ang mga nagda-diet ay mananaginip ng masasarap na pagkain, ang nalulungkot ay mananaginip ng masasayang kaganapan at ang masasaya, sa panaginip nila, maiiyak sila.
Kaya hindi naman gaanong kahirapan ang pag-aanalisa sa mga panaginip dahil tulad ng nasabi na sa unahan, kung ano ang kailangan ng tao, ‘yun ang magiging laman ng kanyang mga panaginip.
Ang payo para sa iyo ay lagyan mo ng drama at aksiyon ang buhay mo nang sa gayun ay sumaya ka at ang live-in partner mo at makaaasa ka na both of you will live happily ever after.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments