top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Que, nasa Top 20 na ng Hong Kong Open

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jan 14, 2020
  • 2 min read

Nagsimula sa disenteng kontensiyon ang paglalakbay ngayong taong ito ng premyadong Pinoy golfer na si Angelo Que matapos itong kumartada ng kabuuang 6-under-par 274 para makapasok sa Top 20 ng 2020 Hongkong Open sa greens ng Hongkong Golf Club sa Lungsod ng Fanling, Hongkong.

Namulot si Que ng iskor na 67-68-69-70 sa loob ng apat na araw ng bakbakan upang tumapos sa pang-18 posisyon sa harap ng malupit na hamon ng may 120 parbusters mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.

Naging palamuti sa rekord ng Pinoy ang isang eagle at 13 birdies bilang pangontra sa pitong bogey at ang isang double bogey.

Sa tindi ng kompetisyon, 65 na golfers lang ang pinayagang makapaglaro sa rounds 3 at 4. Ang hindi nakapasok sa unang 65 pagkatapos ng dalawang rounds ay pinag-alsabalutan.

Bukod kay Que, nakapasok din sa weekend play at hindi napauwi ang kababayang si Miguel Tabuena matapos itong makapagsuko ng 5-under-par 275 sa dulo ng pagalingan sa loob ng 280 holes. Tinapos ni Tabuena ang kompetisyon sa pang-22 puwesto.

Sa Asian Order of Merit na kasalukuyang tinatrangkuhan nina Wade Ormsby ng Australia at Thai Gunn Charoenkul, nasa pang-15 baytang si Que dahil sa naibulsa niyang papremyong nagkakahalaga ng $11,850.

Nakakapit naman sa pang-19 na posisyon si Tabuena nang makapagbulsa ito ng pabuyang $10,150.

Matatandaang nahablot ni Que ang karapatang lumahok sa torneong naglalaan ng $1,000,000 cash pot para sa mga papasok sa winners’ circle nang maging bahagi siya ng listahan ng mga parbusters na nasa Cat 10 Top 20 Cumulative Career Money Earnings.

Siya ay nasa pang-340 na puwesto sa world rankings. Si Tabuena ay swak sa mga manlalarong may bitbit na Cata na mga tagumpay sa mga tournaments na sinalihan nito noong 2019.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page