Yayaman ‘pag berde o dilaw ang motif sa kasal at sari-sari store o grocery ang gagawing negosyo
Dear Maestro, Matagal ko nang pangarap na maikasal sa Simbahan, kaso, sa civil lang kami ikinasal ng mister ko. Balak naming magpakasal sa December ngayong taon kapag nakaipon na kami ng sapat na pera. Anong petsa sa December magandang magpakasal at ano ang tamang kulay para suwertehin, maging maligaya at panghabambuhay na ang pagsasama namin? July 1, 1991 ang birthday ko at March 16, 1989 naman ang mister ko. Ano ang bagay sa aming negosyo, pangarap din kasi naming yumaman?
Umaasa, Leah ng Maypajo, Caloocan City
Dear Leah, Ang zodiac sign mong Cancer at Pisces naman ng mister mo ay nagsasabing tugma at compatible kayo dahil ang Pisces at Cancer ay kapwa pinaghaharian ng elementong water o tubig. Gayundin, ang birth date mong 1 na strong number ay suwetung-suwetong isama sa weak number na 16 o 7 (16 ay 1+6=7) ng mister mo.
Sa madaling salita, habang kayo ay patuloy na nagsasama at nagmamahalan, wala namang gaanong mabibigat na problemang itatala, sa halip, kung may dumating mang problema, madali n’yo itong malulutas.
Mapalad naman kayong mag-asawa sa mga negosyong may kaugnayan sa butil, sari-sari store at grocery tulad ng bigas, feeds, de-lata at iba pang mga produktong kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Sa mga negosyong nabanggit, mabilis na uunlad at aasenso ang inyong kabuhayan.
Ang mga negosyong may kaugnayan sa tubig, gayundin ang lahat ng kalakal na nakukuha sa tubigan tulad ng dagat at ilog, gayundin ang mga kalakal na halaman at berdeng bagay ay dapat ding isaalang-alang na makapagpapalago ng inyong kabuhayan.
Ang mga negosyong may kaugnayan sa pagdi-dealer at pagde-deliver ay maaari ring ikonsidera kung saan sa pagiging “middleman” ng malalaking kumpanya, patungo sa retailer o tingian, nakatakda ring umunlad at umasenso ang inyong pamumuhay.
Kung nagbabalak namang magpakasal sa Simbahan ngayong taon, isaalang-alang ang kulay na berde, dilaw at golden yellow bilang motif sa kasal.
‘Yan ding dalawang kulay ang palagi n'yong gamitin sa bahay, silid at pang-araw-araw na pamumuhay. Sa ganitong paraan, mas madali ninyong mahahatak ang suwerte at magagandang kapalaran habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.
Gayundin, isaalang-alang ang mga petsang December 23, 24, 25, 26, 27, 28, 29 at 30, ito ang mga panahong papabulas at papalaki ang buwan sa langit kung saan kung sa araw o petsang nabanggit kayo magpapakasal tulad ng bumubulas at lumalaking buwan sa kalangitan, magiging papabulas din at mabilis na lalago at magiging masagana at maligaya ang itatayo n'yong pamilya.




Comments