3rd Badminton Asia Team C’ships sa ‘Pinas idaraos
- A. Servinio
- Jan 12, 2020
- 1 min read

Magdiriwang ang mga manlalaro ng Badminton dahil napili ang Pilipinas bilang punong-abala ng 3rd Badminton Asia Team Championship mula Pebrero 11 hanggang 16, 2020 sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum. Ito na ang pagkakataon para makasaksi ang lahat ng pinakamataas na antas ng laro at buhayin muli ang interes sa disiplina na yumabong noong nakaraang dekada.
Maliban sa kampeonato mismo, ang parating na torneo ay qualifier para sa prestihiyosong Thomas Cup para sa mga lalake at Uber Cup para sa mga babae na sabay gaganapin sa Denmark ngayong Mayo 16 hanggang 24. Ito na rin ang huling pagkakataon na makalikom ng puntos ang mga nais lumahok sa 2020 Tokyo Olympics.
Tinatayang 15 koponan sa lalake at 14 sa babae at pinagsamang 290 manlalaro ang magtatapatan. Ang mga defending champion ay ang Indonesia sa lalake at Japan sa babae. Maglalaro sa kanilang mga grupo ang mga koponan at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout playoffs. Ang lahat ng laban ay seryeng best-of-five na binubuo ng tatlong single at dalawang double.
Malaking tulong sa mga pambatong Pinoy ang paglaro sa harap ng kanilang mga kababayan. ”I think the Philippines is one of the fastest developing nations in Badminton and it is good to bring an event like this in a developing Badminton country,” wika ni Badminton Asia COO Chit Boon Saw. Sa huling edisyon ng torneo noong 2018 sa Malaysia, bumagsak agad ang mga Filipino sa kamay ng Indonesia at India bago bumawi sa huli nilang laban sa Maldives. Walang pinanalo ang mga Pinay at sunod-sunod silang bumigay sa Thailand, Malaysia at Vietnam.





Comments