Siniraan sa socmed dahil sa nangyari sa mister… Yeng, ipinaaaresto ng doktora, nagpiyansa na
- Melba Llanera
- Jan 11, 2020
- 2 min read

Pagkatapos mag-Best Supporting Actress sa katatapos lang na 2019 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang Write About Love, tiyak na nalambungan naman ang tuwa ni Yeng Constantino ng lungkot at kaba sa paglabas ng warrant of arrest na inisyu ng korte para sa cybercrime case na isinampa sa kanya ni Dr. Esterlina Tan.
Sa kabila ng paghingi ng tawad ng Pop Rock Royalty sa doktora at sa mga taong na-offend niya dahil sa aksidenteng kinasuungan ng asawang si Yan Asuncion nang magbakasyon sila sa Siargao na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng temporary memory loss ang asawa, mukhang ‘di ito sapat para kalimutan ng nasabing doktora ang na-upload na vlog ni Yeng kung saan inilabas nito ang hinaing sa nangyari.
Ayon kay Police Brig. Gen. Joselito Esquivel, Jr., regional director ng Police Caraga Office, ilang buwan matapos i-post ni Yeng sa YouTube ang kanyang vlog ay nagsampa na ng kaso laban sa kanya si Dr. Estelita, pero kahapon (Biyernes) lang daw naibigay sa kanila ang kopya.
Paliwanag ni Pol. Brig. Gen. Esquivel, “Ngayon lang kasi kami nabigyan ng kopya so I have to ask my provincial director as to the status kasi ‘yung kaso, bailable lang ng P30,000, so kung live pa ‘yung warrant of arrest she could be subjected to arrest.”
Samantala, ayon sa lawyer ni Yeng na si Joji Alonso, hindi aware ang magaling na singer-actress sa kasong isinampa laban sa kanya at nalaman lang ng kampo nito nang makita sa social media. Nilinaw din ni Atty. Alonso na nag-post na ng bail si Yeng.
Hiling naman ng mga netizens, lalo na ng mga tagahanga ng singer ay personal na magkaharap at magkaayos na sina Yeng at Dr. Tan.





Comments