Bolts, ipinahiya ang Kings sa Quezon

Naitabla ng Meralco Bolts ang serye matapos lasingin ang Barangay Ginebra Gin Kings, 104-102 sa Game 2 ng PBA Governor’s Cup finals kagabi sa Quezon Convention Center.
Kumana si import Allen Durham ng 21 points, 18 rebounds at anim na assists upang tulungan ang Bolts na ilista ang 1-1 sa kanilang best-of-seven series.
Ipinaramdam ng Bolts ang lakas ng kanilang boltahe sa unang dalawang quarters matapos hawakan ang 17-point lead, 63-46 sa halftime.
Umarangkada agad sa simula ng laban ang Meralco, hinablot nila ang 36-21 sa first canto. Pero hindi basta nagpadaig ang crowd favorite Gin Kings, humarurot sila ng 30-19 bentahe sa third upang tapyasin ang kanilang hinahabol sa anim na puntos, 76-82 papasok ng fourth quarter.
Subalit nanatili ang tikas ng Meralco sa payoff period, naging matatag sa endgame para makuha ang panalo. Samantala, matapos ang panelyong blanka ni Ginebra big man Japeth Aguilar kay Meralco Bolts import Allen Durham sa Game 1, ay nakasama ito sa top 15 best shot-blockers sa history ng PBA.
Tatlong blocks ang kinana ni 6-foot-9 Aguilar sa Game 1 kasama ang pagbura nito sa layup ni Durham, nilista nito ang 575 blocks para ungusan ang 574 na naitala ni Ricky Relosa at upuan ang No. 15 PBA’s all-time shot blocks list.
Hindi naman naitago ni Ginebra coach Tim Cone ang kanyang saya at paghanga sa ipinakita ni Aguilar sa depensa nito kay Durham. “It’s really nice to see him do that defensively. He’s done so many things offensively and he’s done that defensively, too but that was really spectacular, that block at the end of the game.” patungkol ni Cone sa Game 1 kung saan nilagok ng Gin Kings ang 91-87 panalo laban sa Bolts. “It was really a tremendous play, one of the best I’ve seen in a long time,” dagdag ni Cone.
Sisikapin ng Bolts na makadalawang panalo bukas sa Game 3 para makalamang at lumapit sa inaasam na korona.





Comments