2020 pa lang, nangangamoy, eleksiyon na!
- Editoryal
- Jan 11, 2020
- 1 min read
Nagpaparamdam na ang Halalan 2020.
Ito ay matapos ianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na muli nang sisimulan ang pagpaparehistro ng mga botante para sa 2022 National at Local Elections.
Ayon sa ahensiya, muling magbubukas ngayong Enero 20, 2020 ang voter‘s registration kasama ang ilang serbisyo tulad ng paglilipat ng registration records, correction of entry, reactivation ng registration at reinstatement ng
pangalan sa listahan ng mga botante.
Kailangan itong gawin nang personal sa Office of the Election Officer sa bawat city at munisipalidad mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang registration period ay hanggang Setyembre 30, 2021, maliban sa April 9 at 10 (Maundy Thursday at Good Friday), December 25 (Pasko) at April 1 at 2, 2021 (Maundy Thursday at Good Friday).
Bilang paalala, ang mga makakapagparehistro ay dapat nasa edad 18 pagpatak ng araw ng eleksiyon, residente ng Pilipinas nang isang taon at kailangang anim na buwang residente ng lugar na kanyang pagbobotohan.
Samantala, tiyak na magiging mas makulay at mas maingay ang darating na kampanya.
Mabilis na lilipas ang dalawang taon, kaya ngayon pa lang, bilang responsableng botante ay simulan na natin ang pagkilatis sa mga nagpaparamdam na ambisyoso, este, kandidato.
Taong 2020 na, linawan ang mata, titigang maigi kung sino ang mga karapat-dapat na maupo sa puwesto. Dapat maging mata-linaw at matalino!





Comments