FIBA 3x3 Gilas players, binuo na ng CTG Pilipinas

Opisyal na inihayag ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 ang mga napiling kakatawan sa bayan sa parating na Olympic Qualifying Tournament ngayong Marso 18 sa India. Namumuno sa listahan sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol, ang dalawang Pinoy na may pinakamataas na puntos ayon sa pinakabagong FIBA 3X3 World Ranking.
Sasamahan sila ng mga kapwa bituin ng una at nag-iisang pambansang liga ng 3X3 na sina Leonard Santillan, Dylan Ababou, Leo de Vera, Chris de Chavez, Jaypee Belencion, Ryan Monteclaro, Gabriel Banal at Karl Dehesa.
Lahat ng mga nabanggit na pangalan ay mga beterano rin ng mga pandaigdigang palaro gaya ng FIBA 3X3 World Tour at Challengers kung saan tumatapat sila sa mga bigatin ng Europa at Estados Unidos.
Simula pa lang ng Nobyembre ay nag-ensayo na ang mga kandidato sa gabay ni Coach Eric Altamirano at mga galing Serbia na sina Coach Stefan Stojacic at Coach Darko Krsman.
Tinalagang mga reserba sina Dan Reducto, JR Alabanza at Andrian Celada habang kasama din sa ensayo pero hindi muna lalaro sina Troy Rike and Franky Johnson dahil hindi pa nila naabot ang kailangang dalawang taong paninirahan dito ayon sa mga alituntunin ng FIBA.
Para sa darating na torneo, anim o higit pa sa mga maglalaro ay dapat sa kasama sa 10 na may pinakamaraming puntos ng FIBA buhat sa paglalaro ng mga kinilalang mga torneo. Si Munzon (186,713) ay ang ika-105 habang si Pasaol (136,507) ay ika-142 sa buong mundo.
Ang iba pang nasa Top Ten Pinoys ay sina Ababou (91,726), Dehesa (87,364), Santillan (75,869), de Chavez (53,084) at Banal (28,318). Pasok din sa Top Ten sina Rike (75,639) at Johnson (42,069).
Apat na manlalaro lang ang tutulak papuntang India kung saan tatlong pwesto sa 2020 Tokyo ang paglalabanan ng 20 bansa.
Nabunot ang Pilipinas sa Grupo C kung saan haharapin nila ang hamon ng Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic.





Comments