Tokyo Olympics, pahirapan para sa amateur boxers

(Karugtong)
Paano nga ba makakalusot ang Pinoy amateur boxers sa Tokyo Olympics. Kakaiba raw ang daan ngayon ng boxers kagaya nina Petecio, Marcial at Gabuco na umaasinta sa Olympiad. Narito ang mga kadahilanan:
Una, naetsapuwera bilang organizer sa qualifying tournaments at sa Olympics boxing ang dating world-governing body na International Boxing Association o AIBA dahil sa pagdududa sa kaayusan ng pamamalakad nito.
Ito ang naging hakbang ng International Olympic Committee.
Ikalawa, sa halip na AIBA, gagamitin ang expertise ng pribadong Pricewaterhousecoopers upang pamahalaan ang qualifiers para sa boxers na gustong sumuntok sa Tokyo. Napili ang Pricewaterhousecoopers dahil sa pamamahala nito ng boxing event noong Youth Olympic Games sa Argentina.
Ikatlong, limang tournaments ang gaganapin upang malaman ang mga puwedeng lumahok sa Olympiad. At kahit na ang mga World champions, katulad ni Petecio, ay kailangang sumailalim dito. Ganundin si Marcial na kahit nakakuha ng silver medal sa nakaraang world championships sa Russia ay sasabak pa rin para makabiyahe papuntang Japan.
Dalawang tsansa ang nakalatag sa kanila. Ang una ay ang Asia/Ocenia Qualifers na uusad sa Honhsgan Gymnasium, Wuhan, China sa Pebrero 3-14, 2020. Ang pangalawa, kung hindi papalarin sa Wuhan ay masasaksihan sa Grand Dome, Paris, France, May 13-24, 2020 at tinatawag na World Qualifiers.
Ikaapat, bukod sa torneo sa China at sa France, meron ding gaganapin sa Dakar International Expo Center sa Senegal (Africa, Pebrero); Copper Box Arena London (Europe, Marso); CeNARD Training Center Buendia Aires (America, Marso hanggang Abril).
Ikalima, mga medalya sa walong weight categories ang pag-aagawan ng may 185 na mga kalalakihan: fly, feather, light, welter, middle, lightheavy, heavy at superheavy.
Ikaanim, tumaas ang bilang ng mga babaeng boxers sa Olympics mula sa dating 36 sa Rio Olympics ngayon ay 100 na at nahahati sa limang grupo: fly, feather, light, welter at middle.





Comments