SMC Alab, nanaig sa Fubon Braves sa ASEAN League
- Alvin Olivar
- Jan 9, 2020
- 1 min read

Nakabawi ang San Miguel Alab Pilipinas sa kanilang nalasap na talo noong Linggo matapos daigin ang Fubon Braves, 101-96, kahapon sa ASEAN Basketball League sa FilOil Flying V Centre.
Dinala ni Nick King at Jeremiah Grey ang Alab Pilipinas sa panalo pagkaraang umiskor sa huling sandali ng laro. Umangat ang kartada sa 5-2 matapos matalo kontra sa Macau Wolf Warriors noong Linggo.
Matapos tumabla ang laro sa 89-89, bumuslo ng lay-up si King habang sinundan ito ng tres ni Grey para makuha ang 94-89, 1:52 ang natitira sa laro.
Muling nakaiskor ng tres si Grey para muling lumayo sa Braves, 99-94, 58 seconds ang natitira sa laro. Tumulong din sa atake ng Alab ang 7-foot-6 import na si Samuel Deguara na nagtala ng 26 points at 14 rebounds para sa koponan. Gumawa naman ng 22 points si Nick King habang 21 points ang naiambag ni Khalif Wyatt.
Nagkaroon naman ng 17 points at 3 of 5 sa tres si Grey para dalhin rin sa panalo ang Alab Pilipinas.
Nanalo ang Alab Pilipinas kahit pa gumawa ng 35 points, 6 rebounds, at 9 assists ang dating NBA player na si OJ Mayo para sa Braves na lumamang pa ng 10 puntos sa laro. Bumaba ang kartada ng Fubon Braves sa 6-4 at nabasag ang kanilang two-game winning streak.





Comments