Mas oks nang advanced mag-isip kesa mabigla sa taas-presyo ng bilihin
Pinawi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pangamba ng publiko sa epekto ng lumalalang tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran sa ating ekonomiya.
Masyado pa umanong maaga para mag-panic at hindi raw papayag ang U.S. na sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Kasabay nito ang paniniwala na kakayanin ng ekonomiya ng Pilipinas ang mga pangyayari sa Gitnang Silangan bilang isa ito sa umano’y “most resilient economies” sa mundo.
May mga ekonomista na ring nagsabi na mahahadlangan ng 2020 National
Budget ang epekto ng inflation, partikular sa mahihirap na mga Pinoy.
Matatandaang, may P108.8 bilyong alokasyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng nilagdaang P4.1 trillion budget. Malaking tulong nga naman ito kung magagamit o maipamamahagi nang maayos.
Gayunman, hindi ito dahilan para makampante at hayaan na lang kung ano ang magiging epekto ng gulo sa Gitnang Silangan. Ang pagsirit sa presyo ng petrolyo ay palaging sinusundan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kung ngayon pa nga lang ay sumipa na agad ang presyo ng imported na petrolyo, paano pa sa mga susunod na araw na halos hindi maawat ang nagaganap na pagsabog? Isama pa natin ang pangatlo at huling bugso ng dagdag-buwis sa petrolyo, na inaasahang magpapataas sa presyo ng langis.
Good luck sa pagba-budget!
Kaya sa halip na mag-relax, dapat pa ring maghanda ang gobyerno at ang publiko sa mga posibleng mangyayari nang hindi tayo pare-parehong mapamura sa biglang pagmahal ng mga bilihin.





Comments