Giyera sa Middle East napanaginipan ng OFW, takot na takot sa mangyayari
- Socrates Magnus
- Jan 9, 2020
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Angelin ng Angelin_Faith@face-book.com Dear Professor, May tanong ako tungkol sa panaginip ko about World War III. Bakit ko napanaginipan ang mga anghel na nagkatawang-tao? Na-meet ko sila at isinama nila ako sa isang lugar na puro may mga kakaibang kakayahan.
Sabi nu’ng isa, nagsasanay sila para sa World War III para makatulong, marahil, labanan ang mga demonyo na sasanib sa mga tao para magkagulo at magsimula ng giyera kaya naghahanda ang mga anghel na naging tao.
Ipinakita nila sa akin ang lahat, pero nang gumising na ako ay nakalimutan ko ang ibang detalye.
Nakakatakot ang mangyayari sa hinaharap. Kaya ba ipinakikita sa akin ‘yun dahil nandito ako sa Middle East?
Nakakatakot talaga ang mangyayari kaya palagi akong nagdarasal na makayanan ng lahat ang pagdating ng mga pagsubok, lalo na sa buong bansa.
At ‘yung sunog sa Australia, bago nangyari ‘yun ay nakita ko ang lugar o name niya na basta sumagi sa isip ko ang Australia.
Naghihintay, Angelin
Sa iyo Angelin, Mapalad ka, iha, bihira lang ang binibigyan ng prebilehiyo na mapanaginipan ang mga bagay na maaaring mangyari sa sanlibutan.
Ipinagkakaloob lang ito sa mga taong may banal na personalidad at espesyal sa mata ng langit. Ipagpatuloy mo ang iyong kabanalan, umiwas ka sa anumang gawa ng kasamaan at manatili kang nasa panig ng kabutihan.
Oo, iha, kaya isa ka sa mga napili ng langit ay dahil ikaw ay nasa Middle East na sa ngayon ay puwedeng pagmulan ng World War III.
Ang totoo nga, ang lahat ng eksperto ay nagsasabing ang orasan ng digmaang pandaigdig ay nagsisimula nang umandar. Kumbaga, konting oras na lang at ang giyera mundiyal ay magaganap na.
Maliban na lang kung magkaroon ng tinatawag na “divine intervention” dahil ang lahat ay naniniwala na anumang oras o araw ay magsisimula na ang giyera.
Ang isa pa sa mga dahilan kung bakit ito ay iyong napanaginipan ay para maihanda mo ang ating mga kababayan para sa kanilang kaligtasan.
Ang unang payo, pray hard. Ikalawa, dapat ang mga OFW ay magkaroon ng komunikasyon sa bawat isa para mapadali ang kanilang paglikas. Ang pangatlo ay ang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng ating gobyerno at sundin ang kanilang mga ipagagawa sa inyo.
Higit sa lahat ay ang naunang payo. Ang ibig sabihin ng “hard” ay paulit-ulit na seryosong pagdarasal.
Dahil dito, hindi ka dapat maniwala sa nagsasabing bawal ang magdasal nang paulit-ulit.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments