Pag-uwi ng mga OFWs mula Kuwait, paghandaan para hindi maging tambay
- Nancy Binay
- Jan 8, 2020
- 2 min read
Nancy Binay / Be Nice Tayo
Kasisimula pa lamang ng Bagong Taon ngunit, napakarami nang pangyayari ang yumanig sa kamalayan natin.
Isang digmaan ang nanganganib na pumutok sa pagitan ng United States at Iran dahil sa pagpatay kamakailan kina Qassem Soleimani, top Iranian military leader at Abu Mahdi al-Muhandis, politician at military commander.
Kung iisipin, malayo ang Iran at Iraq sa ating mga isla, pero kailangan nating isaalang-alang na mayroon tayong mga kababayan na naghahanapbuhay doon na tiyak maaapektuhan kung tuluyang pumutok ang giyera. Tinatayang 1,600 ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iran, samantalang, nasa 6,000 naman ang nasa Iraq.
Gayunman, umaasa tayong mananaig ang pagnanais natin para sa kapayapaan at anumang aksiyon para sa hustisya ay naaayon sa batas.
Ngunit, ngayon pa lang, nananawagan na tayo sa mga kinauukulan na ayusin ang evacuation plan para sa mga kababayan natin sa Middle East.
Nagpahayag na ang armed forces sa kanilang paghahanda para sa exfiltration ng mga kababayan natin.
Asahan nating maririnig natin mula sa iba pang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang mga plano. Partikular na interes ang magiging pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa magiging ayuda nila sa mga kababayan nating mawawalan ng kabuhayan.
◘◘◘
Sa Australia naman, patuloy ang paglagablab ng malawakang bushfire.
Napakaraming nagkalat na larawan at videos sa internet, partikular sa social media kung saan kitang-kita ang napakalaking epekto ng sunog mula sa mga namatay na hayop at nasirang puno at iba pang halaman.
Binibigyang-diin, hindi lang ng pangyayari sa Australia kundi pati na rin ng nakaraang mga bagyo sa bansa ang halaga na pag-usapan ang climate change at epekto nito.
Panahon na para seryosohin ang usapin tungkol sa climate change.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments